HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG saya-saya ng Mother’s Day vlog ni Ate Vi (Congw. Vilma Santos) kasama ang dalawa niyang anak. Wala lang si Sen. Ralph Recto at hindi kasam. Una, hindi naman siya talaga sumasama sa vlog. Ikalawa, siya ang maraming iniintindi dahil sa eleksiyon ngayon. Sabihin mo mang wala siyang kalaban, iniisip pa rin niya ang kanyang mga kasama na may kalaban.
Pero habang pinanonood namin ang mothers’ day vlog na iyon ni Ate Vi, ang sinasabi ng mga kasama namin ay hindi masasabing suwerte si Ate Vi dahil hindi natalo minsan man sa eleksiyon. Hindi masasabing suwerte siya dahil hanggang ngayon ay kinikilala siyang isang mahusay na aktres. Hindi masasabing suwerte siya dahil nagkaroon siya ng mabuting asawa. Kasi iyong pananalo sa eleksiyon, pinagsikapan niya iyon. Sipag, tiyaga at tapat na hangarin ang puhunan niya roon. Iyong pagiging isang mahusay na aktres, pinagsikapan din niya iyon. Iyong pagkakaroon ng mabuting asawa, aba eh nasa talino rin niya sa pamimili iyon.
Ang masasabing suwerte niya ay hindi siya nagkaroon ng suwail na anak. Iyong anak kasi hindi mo mapipili. Maaaring ang pagpapalaki mo ay tama pero may lumalabas pa ring loko talaga. Hindi mo masasabing iba-iba ang pamamaraan ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanyang mga anak. Pero bakit may lumalabas na anak na matino at anak na walanghiya talaga?
Kaya suwerte si Ate Vi. Dalawa ang anak niya, parehong lalaki pa, pero pareho niyang napalaki nang tama at may respeto sa magulang.
Ano ang nababalitaan natin lately, anak itinakwil ang sarili niyang ina. At ang salitang ginamit ha, napakahirap lunukin.
May isa pa, iyon daw nanay may problema sa pag-iisip. Dahil doon natutukso ang kanyang anak. Ang ginawa niyong anak pinagsasaksak na lang iyong nanay hanggang mamatay para raw “matapos na ang problema.”
Isipin ninyo kung magkaroon kayo ng ganyang klaseng anak.
Kahit na anong pagpapalaki ang gawin mo, minsan may lumalabas talagang anak na walanghiya. Isipin mo na lang na iipinagbuntis ka ng siyam na buwan. Nalagay sa peligro ang buhay ng nanay mo at naramdaman niya ang lahat ng sakit nang ipanganak ka, tapos isang araw wawalanghiyain mo lang pala?
Kahapon pa ang Mother’s Day, pero ipagdasal natin ang lahat ng mga ina na nawa’y hindi sila magkaroon ng walanghiyang anak.