ni ROSE NOVENARIO
GUSTO nang takasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis at produktong petrolyo at ipaubaya ang problema sa susunod na presidente ng Filipinas.
An1g hindi makontrol na oil price hike ay dulot aniya ng sigalot ng Russia at Ukraine na ang epekto’y tiyak na iindahin ng susunod na aministrasyon.
“I think the ‘war’ in Europe will be one of attrition. Araw-araw walang hinto na ‘yang [oil price] increase,” sabi ni Duterte sa groundbreaking ceremony ng Pampanga Provincial Hospital–Clark.
“Talagang magdaan tayo ng hirap kaya nagpasalamat ako sa Diyos na matapos na ako, bilisan niya ang mga araw kasi kawawa itong susunod, tingnan ninyo. Every day, the prices would increase and increase and increase, until we can have a stable situation,” ani Duterte.
Kapag naging ‘weapon of choice’ aniya ng Russia ang langis, malabong magwakas ang oil crisis.
“I see a very dark, not really in desperation, but itong oil na ito, apektado lahat e. ‘Yung export, pati import natin, and how our economy is being run by oil. Itong lahat, it’s product of oil, lahat ‘yan, the machineries, the energy, gawa ng oil ‘yan,” giit niya.