AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HINDI nakapagtataka kung sa susunod na selebrasyon para sa anibersaryo ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) para sa taong ito, ay maiuwi na naman ng Quezon City Police District (QCPD) ang “2022 Best Police District.”
E ngayon pa lamang, mayroon nang malaking basehan para gawaran ng “the best police district” ang QCPD dahil sa mga kapansin-pansin na magagandang trabaho ng pulisya sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Bakit natin nasabing malamang na makuha ng QCPD ang pinakamataas na parangal? Aba’y sa ilang buwan pa lamang na pagkakaupo ni P/BGen. Remus Medina bilang District Directo ng QCPD, hindi na matatawaran ang resulta ng pinaigting na kampanya ni Medina laban sa ilegal na droga.
Hayun, dahil sa accomplishments ng QCPD sa ilalim ng superbisyon ni Medina, ginawaran si Medina ng Congressional Award para sa Outstanding Achievement kaugnay sa pinaigting na kampanya ng QCPD laban sa ilegal na droga.
Sa isinagawang serremonya, si Hon. Jorge Bustos, Vice Chairperson ng Committee on Public Order and Safety ang nagkaloob ng parangal kay Medina sa House of Representatives, Quezon City nitong Lunes.
Siyempre, labis ang pagpapasalamat ng Heneral sa tinanggap niyang parangal. At heto naman ang pinakamaganda sa lahat matapos tanggapin ni Medina ang parangal – kanya rin pinasasalamatan at sinasaludohan ang kanyang mga opisyal at tauhan na nasa likod ng mga matagumpay na operasyon laban sa droga.
Iyan ang tunay na lider, kinikilala ang kontribusyon ng kanyang mga opisyal at tauhan.
“With all the encouragement, support, and confidence the PNP leadership bestowed upon me as the former Director of the PNP Drug Enforcement Group, I am humbled and very honoured to accept the award you confer upon me this afternoon,” ayon kay Medina.
“Ang parangal na ito ay naging posible dahil sa mga taong naging parte ng tagumpay na ito. Kung kaya’t lubos akong nagpapasalamat sa aking mga boss at senior officers na nagtiwala at humubog sa aking kakayahan, determinasyon, at integridad upang sugpuin ang paglaganap ng ipinagbabawal na droga sa ating komunidad. At sa aking mga kasamahan sa PNP-DEG, simula sa ating mga operatiba at kani-kanilang commanders sa patuloy na pagtugon sa aking mga direktiba noong kami ay magkakasama upang sugpuin ang pagkalat ng ilegal na droga sa bansa,” aniya.
Bukod sa pagkilala sa kanyang mga tauhan, mapagkumbabang pinasalamatan ng heneral ang kanyang mga kaibigan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at ang lahat ng mga tumulong na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa illegal drugs.
At higit sa lahat, pinasalamatan rin ni Medina ang QC Local Government sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte, sa mga suportang ibinigay at patuloy na ibinibigay sa QCPD dahilan para makamit ang parangal.
“The efforts and workforce of my unit made me to become worthy and suitable for this award,” aniya.
Samantala, ginawaran ng kahalintulad na parangal si P/Lt. Col. Glenn Gonzales, Station Commander ng Fairview Police Station (PS 5) at dating hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU).
“I thank everyone for being part of this humble journey and I hope the same from all, as I go forward in inspiring people to act against drug related activities,” pagtatapos ni Medina.
So, alam na kung sino ang magiging best district director at magiging best police district para sa 2022 – e ‘di siyempre si Gen. Medina at ang QCPD.
Gen. Medina, congratulations. Ikaw na talaga sir…gayondin sa bumubuo ng QCPD, saludo po ang bayan sa inyo. At kayong mga sindikato naman ng ilegal na droga, huwag na huwag niyong hamunin ang QCPD o si Gen. Medina, tiyak na mabibigo kayo.