FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
LABINGTATLONG araw bago ang araw ng halalan at kabadong excited na ang marami sa atin. Walang dudang nangunguna pa rin sa survey si Bongbong Marcos kasunod sa ikalawang puwesto si Vice President Leni Robredo.
Naniniwala ba kayo sa mga surveys? Naniniwala ako at naninindigan sa siyensiya sa likod nito.
Pero sa kabila ng mga naglalabasang bilang, may dalawang bagay ang higit kong pinaniniwalaan. Una, ang aktuwal na eleksiyon ay iba sa pre-election surveys; at ikalawa, kung bilangan ang batayan, hindi imposible na makapagtala ng come-from-behind victory si Robredo.
Hula ko lamang ito, pero base sa biglaang pagpupursigi ni BBM sa kanyang pangangampanya, naniniwala rin marahil siyang nakaaagapay at lumiliit ang lamang niya sa Bise Presidente. Bakit sasagad-sagarin niya ang pangangampanya simula madaling araw hanggang hatinggabi kung kompiyansa siyang ang aktuwal na election numbers ay magbibigay sa kanya ng 28 o kahit 32 percentage points na lamang kay Leni?
Siyempre pa, hindi ko naman inaasahan sa kanya, o sinoman sa kanyang UniTeam camp, na aminin ito. Matagal nang namamayagpag ang kanilang social media pages kaya mahihirapan silang alamin ang kaibahan ng realidad at alternatibong katotohanan. Pero sa loob-loob nila, nai-imagine kong ramdam nilang ang pagtatala ng 56 porsiyento (pa rin ba?) sa mga surveys ay hindi sasapat upang manalo sa eleksiyon.
Iyan, aking mga kaibigan, ang dahilan ko sa pagsasabi na posibleng nababahala ang kampo ni Marcos sa babaeng naging karibal din niya sa halalan para bise presidente noong 2016. Totoong kaalyado nila ang ruling party ni Duterte — ang paksiyon ng tunay na PDP-Laban na itinatag ng yumaong Nene Pimentel — pero si Bongbong itong umapela nitong weekend sa kanyang mga tagasuporta na maging mapagmatyag dahil baka ‘madaya’ siya.
Hindi ba’t parang kakatwa, para sumagi sa isip ng isang edukado sa Oxford na tulad niya, ang ideya na ang isang eleksiyong pinangangasiwaan ng Comelec, kung saan opisyal ang dati niyang abogado at ang mga eksklusibong itinalaga ng napakamakapangyarihang ama ng kanyang running mate, ay papayag na madaya siya?
Maliban na lang kung ang pangamba niyang ito ay isang hinding-hindi mangyayaring pag-amin na ayaw niyang iparinig sa kahit sino, na totoong tinalo siya ni Leni. Ang nakatatawa, alam naman ng buong bansa na talo siya. Sinubaybayan natin ang mga kaganapang ito sa nakalipas na anim na taon! At sa pagkuwestiyon niya sa resulta ng eleksiyon noong 2016, ginawa ng Korte Suprema — nagsilbi bilang electoral tribunal — ang muling pagbibilang sa mga boto at ang resulta ay ipinamukha sa kanya.
Una na, kompiyansa si Comelec Commissioner Rowena Guanzon na ang halalang ito ay hindi magiging Cheatgate. Tiwala siya sa automated election system (AES) ng Smartmatic, at dahil ito sa magandang dahilan. Ibig kong sabihin, narinig n’yo na ba ang “flying voters” sa huling automated polls? Kung nabalitaan n’yo iyon, nabuking marahil sila dahil natukoy iyon ng computerized system at pinigil nito ang anomang pagtatangka sa pandaraya.
Umaasa akong magiging patas ang Comelec sa eleksiyong ito. Dahil nakikinita ko ang magandang labanan sa pagkapangulo – iyong klase na hindi kayang tantiyahin ng anomang pre-election survey.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.