‘PAPITIK’
ni Sab Bai Hugs
HINDI na bago na hinahanapan ng resibo ng mga botante ang mga politiko. Ito ang karaniwang eksena tuwing eleksiyon, sa mga reelectionist — ang kanilang nagawa sa kanilang nasasakupan ang batayan ng mga residente kung ibobotong muli o hindi, samantala sa mga baguhang kandidato ay ibinibida ang kanilang kayang gawin at plataporma.
Sa Marikina City, ito na nga ang eksena sa ngayon, si Mayor Marcy Teodoro ay hinahanapan ng resibo sa mga nagastang pondo na napunta at saang proyekto inilaan lalo at nakadalawang termino na at tumatakbo ngayon para sa kanyang huling termino ngunit wala pa umanong nakikitang major projects sa lungsod.
Kung ganito ang tanong ng Marikeño kay Mayor Marcy ay isa lamang din ang tanong ko sa aking sarili, hindi ba naging transparent si Mayor sa kanyang mga government procurement transaction, wala bang nakitang proyektong umusbong sa lungsod?
Ano ba ang katotohanan sa ilang social media posts na nagsasabing 6 bilyon ang utang ng Marikina? makikita kasi sa LGU debt data ng DILG-Bureau of Local Government Finance na nasa kanilang website na www.blgf.gov.ph, may mga pondong naibigay sa Marikina City mula noong 2017 hanggang 2022 na umaabot sa P6 bilyon ngunit wala namang nakitang major projects. Totoo ba ito Mayor?
Batay sa website ng DILG noong 2017 ay nasa P1.2-B ang pondong nakuha ng Marikina, P3.83-B (2020), P1.72-B (2021), at P0.924-B (2022), ang tanong ng mga kritiko ng alkalde ay nasaan ang detalye nito?
Ang bulto kasi ng ayuda sa kasagsagan ng pandemic ay nanggaling sa national government pangunahin ang bakuna na libre para sa lahat habang ang Molecular Laboratory na itinayo sa Marikina City dati ay hindi ginastusan nang malaki dahil itinayo ito sa dati nang gusali.
Kasabay ng paghahanap ng resibo kay Mayor Marcy ay kumakalat ngayon sa Marikina ang mga retrato na nakabili ng iba’t ibang real property ang alkalde, mayroon daw apat na bahay at lupa sa Barangay San Roque partikular sa JP Rizal St., Eagle St., Flamingo St., at Mabini St., isa sa Ranier St., Barangay Elena at dalawang bahay pa sa Loyola Grand Villas.
Hindi matatapos ang paghabol kay Mayor Marcy ng ganitong mga akusasyon hanggang hindi niya idinedetalye sa mga Marikeño. Tayo ay nasa campaign period pa rin kaya Mayor Marcy, imbes pag-iikot at pagdalo sa mga rally ay ito ang unahin, ilabas ang resibo.