ARESTADO ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga na laging kargado ng baril, sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa bayan ng Paombong, lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 23 Abril.
Kinilala ni P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang nadakip na suspek na si Eduardo Reyes, Jr., alyas Ulo, residente sa Brgy. Santisima Trinidad, lungsod ng Malolos, sa nabanggit na lalawigan.
Nasakote ang suspek sa isinagawang buy bust operation ng mga elemento ng Paombong MPS dakong 1:50 pm sa Brgy. Sto. Niño, Paombong.
Ayon sa ulat, nagresponde ang mga tauhan ng Paombong MPS sa impormasyong ipinagkaloob ng confidential caller tungkol sa ilegal na drug activity ng isang alyas Ulo.
Narekober mula suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu, buy bust money, at isang kalibre .38 rebolber na kargado ng bala at sinasabing ipinananakot niya sa mga residente sa lugar.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm) kaugnay sa COMELEC Resolution No. 10728 at paglabag sa Sec. 5 Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (MICKA BAUTISTA)