ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IBANGSean de Guzman ang mapapanood sa pelikulang Fall Guy na pamamahalaan ng batikang direktor na si Joel Lamangan.
Ang pelikulaay isang social crime drama na hinggil sa isang influencer na naging biktima ng injustice system dahil sa kanyang estado sa buhay.
Ito ang ika-anim na pelikulang pagsasamahan nina Sean at direk Joel. Ang Fall Guy ay isinulat ni Troy Espiritu at prodyus nina Len Carillo ng 3:16 Media Network at John Bryan Diamante ng Mentorque Productions.
Aminado si Sean na may added pressure sa kanya, lalo at sinabi ni Direk Joel na magiging pang-Best Actor ang makikita rito sa guwapitong aktor.
Nakangiting saad ni Sean, “Sobra po, as in… kasi siyempre, ngayon pa lang ay kinakabahan na po ako. Hindi ko po alam kung ano ang magiging resulta ng gagawin namin.
“Siyempre po, hindi ko po magagawa ito lahat nang walang guidance ni Direk, Siyempre yung mga co-actors ko po, ‘Gawin natin ito na maging maganda, huwag natin itong gawin na para sa akin kumbaga, gawin natin ito bilang isang magandang obra ni Direk Joel Lamangan.’
“So, ‘yun nga po, kinakabahan talaga ako, sobra po ang pressure sa part ko rito sa movie na ito.”
Pero siya, ba dream niya rin na someday ay manalo ng acting award? “Opo, dumating naman po ako sa ganoong point. Pero hindi ko po iniisip ang award, kumbaga ay bonus na lang po iyon.
“Para sa akin po kasi, hindi mo naman kailangang magkaroon ng award para tawagin kang magaling na actor. Para sa akin, basta mabigyan mo ng hustisya yung ibinigay sa iyong role, ibinigay sa iyon project, sa paningin ng iba ay magiging magaling ka po.”
Confident din ang mga producer ng pelikula na panahon na para subukan naman ni Sean ang ibang genre. “Marami pa kasi siyang ilalabas na hindi pa nakikita ng mga tao. Ang dami niyang pinagdaanan at alam kong makakatulong iyon nang malaki sa role niya ngayon,” sabi naman ni Ms. Len.
Makakasama ni Sean sa Fall Guy sina Glydel Mercado, Shamaine Buencamino, Vance Larena, Cloe Barreto, Quinn Carrillo, Marco Gomez, Karl Aquino, Tina Paner, Jim Pebanco, Pancho Carrillo, Mark Cardona, Tiffany Grey, Azekah Alvarez, Nisa Ortiz at Itan Magnaye.