FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
WALANG sinomang disente at may respeto sa sarili ang naaliw sa walang kuwentang joint press conference nitong Linggo ng mga kandidato sa pagkapangulo na sina Sen. Ping Lacson, Manila Mayor Isko Moreno, at dating defense chief Norberto Gonzales.
Matatandaang pinaigting nila ang pag-antabay ng media nitong Sabado tungkol sa napipinto nilang pagsasama-sama sa hapon ng Linggo ng Pagkabuhay upang maglahad ng importante at pinag-isang pahayag tungkol sa nalalapit na eleksiyon at sa “kinabukasan ng mga Filipino.”
Pero sa lahat ng pagpapaasang ito, ang kinalabasan, ay hindi tungkol sa ating kinabukasan bilang isang bansa o anomang mahalagang bagay kaugnay ng halalan sa 9 Mayo. Nagsama-sama ang tatlong aplikante para maging susunod na presidente para isalba sa publiko ang kani-kanilang ego, tiniyak na hindi nila iaatras ang kanilang kandidatura sa kabila ng lumilinaw na kawalang pag-asa na kinakapitan ng kakarampot na naitatala nila sa surveys.
Para bang nabuhay na magmuli ang 3 Stooges para magbitaw ng isang korning biro. Ang hindi nakatatawa ay iyong itinaon pa talaga nila ito sa Araw ng Pagkabuhay ni Kristo, ang pinakabanal na pagdiriwang sa kalendaryong Katoliko na sama-samang ginugunita ng pami-pamilya. Sa halip, tinangka ng patawang trio na agawan ng eksena ang isang banal na okasyon.
Marahil tanging mga mamamahayag na naka-duty sa desk ang natuwa sa walang kuwentang coverage na iyon sa araw na matumal ang balita. Pero hindi para sa mga aktuwal na sumabak sa coverage – ang mga reporters, photographers, at camera crew na asang-asa sa isang istoryang wala naman pala silang mapapala.
Maging ang lider-manggagawa at kandidato rin sa pagkapresidente na si “Ka Leody” de Guzman ay mas naging karespe-respeto sa pagkain sa isang karinderya kasama ang running mate na si Walden Bello sa Easter meme na: “Hindi kami aatras sa halo-halo,” kaysa eksenang tinampukan nina Ping, Isko, at Gonzales.
Marahil maging si Sen. Manny Pacquiao, na ang pangalan ay nasa “no retreat” statement, ay napag-isip-isip na huwag dumalo sa press con dahil may importante raw na kailangang gawin sa General Santos City. Sa kabila nito, bahagi siya ng manifesto na nanawagan din sa pag-atras ng kandidatura ni Vice President Leni Robredo.
Ang katwiran sa panawagang ito, ayon sa apat na kakarampot ang naitatala sa surveys, wala raw tsansang manalo si Robredo laban sa dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Ito ay kahit pa tanging si Leni ang nadagdagan ng siyam na puntos sa pre-election survey ratings.
Paano mangyayaring ang mga kulelat, na ang ratings kung hindi man bumaba pa ay nanatili sa dating single digits, ay may mas malaki, lohikal, at statistical na tsansang makahabol sa ratings ni BBM sakaling gawin nga ng VP ang “pinakamatinding sakripisyo” na iatras ang kanyang kandidatura?
“Utak talangka” nga ba ang tawag diyan?
Kung ang intensiyon nina Pacquiao, Domagoso, Lacson, at Gonzales ay tanggalin sa laban si Robredo para maiwasang mahalal si Marcos, sa palagay ko ay ipinahamak lang ng apat na lalaking ito ang kanilang mga sarili dahil lalo lang mawawala sa kanila ang mga natitira sa iilang boboto sana sa kanila, dahil magsisilipat sa babaeng naka-pink.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.