Sunday , December 22 2024

J.A.I.L Plan 2040, inilunsad para sa PDLs at BJMP management

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

HINDI pa man nagdedeklara ng gera laban sa ilegal na droga si Pangulong Rodrigo Duterte o hindi pa man siya ang pangulo ng bansa, naging suliranin na rin sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang sobrang kasikipan ng mga o ilang piitan na nasa ilalim ng ahensiya.

Kabilang nga sa kulungan na laging naiuulat hinggil sa problema sa kasikipan na umaabot pa sa “international issue” ay ang Quezon City Jail Male Dormitory (QCJMD). Bagamat, sa kabila naman nito ay hindi naman nagpabaya ang pamunuan ng QC jail. Asikasong-asikaso pa rin rin ang mga inmate.

 Ngunit, ang  problemang “congestion” sa QC jail, ay maikokonsiderang lutas na dahil patapos na ang bagong kulungan ng QC jail – perimeter fence na lang ang kulang…at sa susunod na taon ay maaari nang ilipat ang mahigit sa 3,000 inmates na nakakulong ngayon sa QC Jail na nasa Brgy. Kamuning, Diliman, QC. Ang bagong kulungan sa Payatas Road, Brgy. Payatas, QC ay masasabing world class at idinisenyo para sa 6,000 PDLs.

Pero para mas mapabuti pa ang pangangasiwa sa mga kulungan ng BJMP lalo ang pangangalaga sa PDL “inmates,” advance thinking ang pamunuan ng BJMP ngayon. Pinaghahandaan ang kinabukasan ng ahensiya para sa mas lalong ikagaganda nito…siyempre, ang lahat ay para sa PDLs.

Hayun, nitong Biyernes ay inilunsad ng BJMP ang 20-taon development road map – ang J.A.I.L. Plan 2040, o Journey for Advancement, Innovation, and Long-term Development Plan 2040. Binalangkas ng transformation roadmap ang paglalakbay ng BJMP tungo sa pagkakamit ng mga tagumpay na resulta sa pamamagitan ng isang standardized, at institutionalized na kalidad ng serbisyo sa bilangguan.

Titiyakin ng ahensiya ang makataong pag-iingat sa mga taong pinagkaitan ng kalayaan na mas tutugon sa holistic na programa sa kapakanan at pagpapaunlad. Nakatuon din ang roadmap sa pagbuo ng mataas na kakayahan, motibasyon, at disiplinadong tauhan na may pinahusay na impraestruktura at teknolohiya.

Upang mas mapadali at maging matagumpay ang J.A.I.L. plan 2040, ipagpapatuloy ng ahensiya ang pagpapatupad, pamamahala, pagsubaybay, at institusyonalisasyon ng scorecard ng BJMP, nilikha ang Center for Jail Excellence and Strategy Management.

Ang BJMP Scorecard ay isang estratehikong sukatan ng pagganap ng pamamahala na tutulong sa pagpapabuti ng mga panloob na operasyon ng kawanihan upang makamit ang ninanais na mga resulta.

Sinusukat nito ang pangkalahatang pagganap ng organisasyon at nagbibigay ng feedback kung paano gumawa ng mas mahuhusay na desisyon sa paghahangad ng isang binagong pamamahala ng kulungan na tumutugon sa nagbabagong panahon at pabago-bagong pangangailangan ng mga tauhan o ang mga stakeholder nito at higit sa lahat ang mga PDL.

Dahil dito, susukatin ang pagganap ng organisasyon sa pamamagitan ng apat na magkakaibang pamamaraan na makatutulong upang makamit ang performance target. Ang apat ay ang mga sumusunod: Resource Management Perspective, Learning and Growth Perspective, Process Excellence, at Community.

Binigyang-diin ni BJMP chief Director General Allan Iral ang halaga ng strategic direction para sa ahensiya at ang suporta ng lahat ng tauhan para sa pagsasakatuparan nito.

“Kaya hinihikayat ko ang bawat isa na pagtulungan natin ang J.A.I.L. Plan 2040, mula rito sa taas pababa sa jail units,” pahayag ni Iral.

“Gawin nating pagkakataon ang foothold na ito upang patnubayan ang mga tao sa iisang direksiyon na ating tinatahak,” dagdag ng heneral.

Upang suportahan ang pagpapatupad ng J.A.I.L. Plan 2040, nilikha ang BJMP National Advisory Council (NAC) na magsisibing konseho at institusyonal na katuwang at tagapayo ng BJMP.

Bahagi ng gawain ng BJMP NAC ay magbigay ng kinakailangang panlabas na pananaw at patnubay sa mga pangunahing isyu na nakaaapekto sa organisasyon, tulad ng pagbuo ng mga karagdagang mapagkukunan sa pamamagitan ng channel network.

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …