PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
BINIGYAN ng bagong title si Maja Salvador bilang Majestic Superstar ng TV5 at Cignal dahil na rin sa tinatamasa niyang tagumpay ngayon.
Ang bagong title ni Maja ay ini-reveal sa grand mediacon ng muli niyang pagpirma ng kontrata sa Cignal at TV5, na tampok ang mga una at bagong yugto ng kanyang career bilang prime star ng TV5. Ito’y magiging isang pagkakataon para sa dekalibreng aktres na ipakita sa mundo na siya nga ang finest screen gem sa kanyang henerasyon.
Nakasama ni Maja sa contract signing at grand press event na ginanap sa TV5 Studio noong Abril 5 ang Cignal at TV5 President and CEO na si Robert P. Galang, pati ang Crown Artist Management Chief Executive Officer at boyfriend ng aktres na si Rambo N. Ortega, at ang Chief Operating Officer Ng Crown na si Mikki Gonzalez.
Sa mediacon ay natanong si Maja kung ano ang nararamdaman niya sa bagong title bilang Majestic Superstar?
“Napapalunok na nga lang ako eh,” panimulang biro ni Maja. “Actually, may pressure. Pero basta sa akin very thankful ako to my Cignal family, to my TV5 family kasi simula umpisa grabe ‘yung suporta talaga at pagpaparamdam sa akin na sobrang welcome talaga ako.”
Natanong din namin si Maja kung ramdam na ramdam ba niya ang pagiging reyna niya sa TV5?
“Sabihin po natin na napakasuwerte ko dahil kahit nasaang tahanan po ako ay hindi po ako pinababayaan. Sobrang ipinararamdam nila na importante akong tao, kaya RPG (TV5 CEO Robert P. Galang) thank you,” sabi pa ni Maja.
Puno naman ng papuri kay Maja si Galang. “Maja Salvador’s versatility as an actress, host, judge, and overall performer has made her a perfect fit for all the projects she has done for and with the network in the past year. We are honored and proud of all her achievements and we look forward to seeing her transform yet again as she reinvents herself in the upcoming projects that she will be doing with us soon.”
Sa ngayon naghahanda si Maja para sa grand finale ng kanyang record-breaking primetime series na Niña Niño,na kamakailan ay nagdiwang ng kanilang first anniversary bilang most-watched primetime na ipinrodyus ng Cignal Entertainment at TV5. Dahil sa sobrang ganda ng kuwentong hatid ng Niña Niño, ito’y kinilala internationally at nakahakot pa ng mga parangal mula sa prestihiyosong 2021 Asian Academy Creative Awards.Nanalo ang serye bilang Best Drama Series at itinanghal naman si Maja bilang Best Actress of the Year.
Nitong Disyembre 2021 sumali na rin ang Niña Niño sa roster ng Netflix Philippines at agad din naging isa sa most streamed Netflix programs at ito ay nanatili sa Top 10 list nang ilang linggo matapos ito maipalabas. Habang papalapit na ang kapana-panabik na season finale ng serye, asahang mas magiging intense at nakaaantig ng damdamin ang ending ng kuwento nila Niña (Maja) at Niño (Noel Comia Jr.), kasama ang buong Sitio Sta. Ynez na minahal ng mga manonood.
Bago pa man matapos ang seryeng Niña Niño, marami nang inihandang proyekto ang Cignal at TV5 para kay Maja. Kabilang dito ang first-ever sitcom niya na matutunghayan ang kanyang versatility at galing sa larangan ng komedya na nakita rin naman sa Niña Niño. Ito rin ang kanyang unang pagkakataon na tumuntong sa larangan ng line production ng isang television program bilang CEO ng kanyang sariling entertainment firm na Crown Artist Management. Kaabang-abang din ang bagong TV series na kanyang pangungunahan na mas masusubok ang kanyang galing sa pag-arte at bukod pa rito, may papalapit rin na film project partnership niya sa Cignal Entertainment.
Sa dami ng gagawing proyekto ni Maja, puno na ang schedule para sa buong taon. Isama pa riyan ang maraming product endorsements niya.
Habang inaabangan natin ang upcoming ventures ni Maja, panoorin ang kanyang award-winning series na Niña Niño sa TV5 tuwing Lunes, Martes, at Huwebes pagkatapos ng Sing Galing at bago ang FPJ’s Ang Probinsyano.