SA MAAGAP na pagresponde ng mga awtoridad, naaresto nitong Martes, 5 Abril, ang mag-amang pinaniniwalaang tandem sa pagnanakaw sa mga indibidwal at establisimiyento sa lalawigan ng Bataan.
Sa ulat na ipinadala ni P/Capt. Gerald Quiambao, hepe ng Bagac MPS kay P/Col. Romella Velasco, provincial director ng Bataan PPO, kinilala ang mag-amang suspek na sina Ronnie Soriano, at Jerson Soriano, kapwa residente sa Corpuz St., West Tapinac, Olongapo.
Nabatid sa ulat, dakong 11:35 pm kamakalawa, isang insidente ng robbery (agaw-armas) ang naganap sa Fiesta Community Homes, Brgy. Balon Anito, Mariveles, Bataan.
Kinilala ang biktimang si Ramon Griarte, 58 anyos, security guard ng Fiesta Community Homes, at residente sa nabanggit na barangay.
Sinabing ang mga armadong suspek na sakay ng isang Honda Beat motorcycle ay bumaba kasunod ang pag-agaw sa baril ng biktima na isang kalibre .38 SPL Model 202 revolver pistol, may serial No. 770011, at itim na backpack na naglalaman ng pitakang may identification cards at P800 cash.
Kasunod nito, palihim na nakapasok ang mga suspek sa tindahan ng mag-asawang Manuel at Justine Joy Pacayay sa Brgy. Biaan, sa nabanggit na bayan.
Nagtangka rin ang mga suspek na pagnakawan ang naturang tindahan ngunit nagkaroon ng komosyon nang ang ginang na bibiktimahin ay nagulantang at humingi ng saklolo kaya nataranta ang mag-ama.
Dito nagresponde ang mga awtoridad mula sa Bagac MPS at Mariveles MPS hanggang nagkaroon ng hot pursuit operation na umabot sa Brgy. Saysain, Bagac, kung saan sila nasukol ng mga awtoridad.
Nakuha bilang ebidensiya mula sa mga suspek ang isang caliber 22 rifle (modified); isang Remington shotgun model 3196919; isang revolver cal. 38 na may serial No. R.A 1714332, may tatlong pirasong FCC at isang bala para sa cal. 38; at isang Honda Beat motorcycle na may engine no. JF78E7260512.
Nakuha rin mula sa kanila ang itim na backpack na naglalaman ng pitaka, mga ID, at P800 cash na pag-aari ni Griarte.
Lumitaw sa imbestiagsyon na ang nakompiskang baril sa mag-ama ay baril ng security guard sa Orani, Bataan na biniktima rin nila.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa reklamong kriminal na Robbery, Attempted Robbery, paglabag sa RA 10591 at Comelec Resolution No.10728 (Omnibus Election Code) na inihahanda para isampa sa Office of the Provincial Prosecutor, sa lungsod ng Balanga. (MICKA BAUTISTA)