NAGSAGAWA ng inspeksiyon si Quezon City Jail Male Dormitory (QCJMD) warden J/Supt. Michelle Ng Bonto sa itinayong Quezon City Jail na maituturing na isang world class na kulungan kahapon ng hapon.
Sa ginawang walk through the new QC jail, ipinakita ng opisyal sa mga mamamahayag ang mga pasilidad ng bagong kulungan na may limang palapag at binubuo ng limang gusali na matatagpuan sa Payatas Road, Quezon City.
Napag-alaman, sa isang selda 10 Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang magkakasama at ito ay may sariling toilet, shower room at lababo.
Ang isang selda ay mayroon din apat na wall electric fan at apat na florescent light.
Ayon kay Bonto, katuwang nila sa pagdisenyo ng pasilidad ang International Committee of Red Cross (ICRC) kaya ang humane treatment ay kasama ang paglalaan ng air, water, at light para sa PDLs.
“Mayroon din ang bagong QC Jail ng lugar para sa livelihood training areas, kanya-kanyang lugar para sa mga recreational areas, tulad ng mga saring-saring sports activities,” ani Bonto.
Ngayong araw ay nakatakdang isagawa ang ceremonial turnover ng facility ng Quezon City local government at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“Nagpapasalamat tayo kay BJMP chief, Director Allan Iral at kay honorable QC Mayor Joy Belmonte na siyang dahilan upang mabuo ang Bagong City Jail,” dagdag ni Bonto.
Nabatid na ang bagong kulungan ay may kapasidad na mag-aruga ng 6,000 PDLs na magiging daan upang maibsan ang congestion rate sa QC Jail. (ALMAR DANGUILAN)