SWAK na sa kulungan ang apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang 63-anyos lola sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City police chief, Col. Samuel Mina, Jr., ang naarestong mga suspek na sina Rogelio Arias, alyas Buda, 52 anyos, itinurong drug pusher, Normita, alyas Mita, 63-anyos lola, Karen Pino, 38 anyos, at Edlyn Pagtalunan, 41 anyos, kapwa residente sa 3rd Avenue, BMBA Compound, Barangay 120 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Col. Mina, isinailalim ng mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isang confirmation at validation ang mga suspek matapos matanggap ang impormasyon mula sa isang confidential informant tungkol sa illegal drug activities ng mga suspek.
Nang magpositibo ang ulat, dakong 11:00 pm isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Maj. Deo Cabildo, kasama ang mga tauhan ng 6th MFC-RMFB ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang walong gramo ng hinihinalang shabu, may Dangerous Drug Board – Standard Drug Price (DDB-SDP) P54,400, marked money at ilang drug paraphernalia.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)