ni Gerry Baldo
OPISYAL na inianunsiyo ng mga opisyal ng Partido Reporma ang paglipat ng suporta sa kandidatura ni Senador Panfilo “Ping” Lacson tungo kay Bise Presidente Leni Robredo.
Sa press release ni Davao del Norte, 1st District Rep. Pantaleon Alvarez kabapon, sinabi niyang nagkaroon ng malaking pagbabago sa laro ng eleksiyon ngayon at kinailangan nilang magkaroon ng ‘realistic option.’
“We reasonably believe that the only realistic option at this point, with roughly a month and a half left, is to converge with Leni Robredo’s campaign. Together, we will pursue the realization of our collective aspirations to improve the chances of ordinary Filipinos at a better life,” ayon kay Alvarez.
Aniya, napilitan ang mga miyembro ng Partido Reporma na suportahan si Robredo imbes si Lacson upang lumakas pa ang kampanya ng una.
“…the electoral terrain in 2022 is far from ideal, and fate had other plans. Time and context framed the narrative of 2022 in a way that gave traction, rightly or wrongly, to other candidacies instead,” ayon kay Alvarez na naging dating Speaker ng Kamara.
“We respect the choice of our members and officers. They are not Pink, but they are reformists, and they are for Leni Robredo,” aniya.
Paliwanag ni Alvarez, ang paglipat ng suporta kay Robredo ang agarang kailangang gawin upang lumakas ang kampanya ng bise presidente sa nalalabing panahon bago ang eleksiyon.
“With time still left, but admittedly not a lot of it, decisive action is necessary. We must respond to the demands of patriotism requiring us to set aside personal preferences, the end goal being collective victory for good governance, a better future for Filipinos, and a strong and progressive nation,” ani Alvarez.
Sa press conference sa Davao del Norte kahapon, sinabi ni Alvarez, napagkasunduan ang desisyon ng lahat ng lokal na lider ng partido na lumipat kay Robredo.
Ani Alvarez, hindi ito ang unang laban niya kay Marcos dahil noong dekada 80, habang nasa Ateneo Law School pa siya, sumasama na siya sa protesta sa kalye upang tuldukan ang diktadurang rehimeng Marcos.
“Ayaw ko naman na ‘yung ipinaglaban ko noon ay hindi ko na ipaglalaban ngayon,” aniya.
“‘Yung unang laban na sinalihan ko, itutuloy ko sa laban na ito, Marcos versus Leni.”
Malugod na tinanggap ni Robredo ang suporta ng Partido Reporma. Aniya hindi nagkakaiba ang layunin niya at ng Reporma.
“Ang pinaka-interes natin ay ‘yung ikabubuti ng bansa natin,” ani Robredo.
PING KUMALAS SA PARTIDO
NAGBITIW si presidential aspirant Senator Panfilo “Ping” Lacson bilang Chairman at miyembro ng Partido para sa Demokratikong Reporma at idineklarang siya ay tumatakbo bilang independent candidate sa eleksiyon sa 9 Mayo 2022.
Ayon kay Lacson, pormal siyang inabisohan ni Party President Pantaleon Alvarez na ang kanilang Davao Del Norte slate na pinangungunahan ni Party Secretary General and Provincial Governor Edwin Jubahib ay nag-endoso ng ibang kandidato sa pagkapangulo.
Dahil dito, tuluyan siyang nagbitiw sa Partido dahil sa desisyon ng ibang mga opisyal at miyembro ng Partido.
Kaugnay nito, nanindigan si Lacson na tuloy ang laban at ang kanyang pagtakbo para sa halalan sa 9 Mayo kahit iwanan pa siya ng ilan o ng isang grupo.
Nanawagan i Lacson sa ibang miyembro ng Partdio na naniniwala sa kanyang laban at plataporma de gobyerno ay manatiling kasama niya sa tunay na laban.
Walang sama ng loob si Lacson sa kanyang mga kapartidong mas piniling samahan ang ibang kandidatong pangulo.
“Tulad ng paulit ulit kong sinasabi tuloy ang laban hanggang sa dulo,” ani Lacson.
Bukod kay Lacson, nagbitiw din si dating partylist representative Ashley Acedillo bilang spokesperson ng Partido.
Paglilinaw ni Acedillo, kanyang sasamahan ang tambalang Lacson-Sotto hanggang matapos ang halalan.
Binigyang-linaw ni Acedillo na naniniwala siya sa mga layunin, plataporma at adhikain ng tambalan para sa ating bansa. (NIÑO ACLAN)