DINAKIP ang tatlong tulak na pinaniniwalaang miyembro ng malaking sindikato ng ilegal na droga makaraang makompiskahan ng P387.6 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Group (PDEG), kahapon ng umaga sa lungsod.
Kinilala nina QCPD Director, P/BGen. Remus Medina at PDEG Director P/BGen. Randy Peralta ang mga nadakip na sina Gibbael Arcega, 32, Mikkael Arcega, 29, at Ramil Ramos, 39.
Ayon kay Medina, dakong 10:30 am nang isagawa ang anti-drug operation sa isang gasolinahan sa Mindanao Avenue Quezon City.
Isang pulis ang bumili ng shabu ngunit nakatunog ang suspek na si Ramos na nagbunot ng baril at nakipagpalitan ng putok sa mga pulis kaya nasugatan nang tamaan ng bala sa katawan. Sumuko ang magkapatid na Arcega.
Nakompiska mula sa tatlo ang 57 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P387.6 milyon, Nissan Urvan, may plakang NBX 3844, at kalibre .45.
Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)