Saturday , November 16 2024

 ‘Mina Anod’ ng sindikato sa karagatan ng Cagayan,

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

NAPANOOD n’yo ba ang pelikulang “Mina Anod?”

Isang palabas na makatotohanan o patuloy na nangyayari, maaring hindi lang sa bansa at maging sa ibang bansa.

Mina anod ang pamagat ng pelikula dahil ginamit ng sindikato ng droga ang karagatan – pinapaanod ang droga “coccaine” na nakaselyo ng plastik para hindi mabasa. “Mina” – iyong cocaine, kasi salapi kapag mabenta na at anod dahil nga sa pinaaanod ang cocaine.

Sa pelikula, nakompiska naman ang halos lahat ng pinaanod na cocaine pero ang masama sa bandang huli ng pelikula ay ang mga awtoridad na ang nagpatakbo ng sindikato at ang kanilang ibinebentang cocaine ay mula sa kanilang mga nakompiska sa mga pangingisda at sa mga surfer na nagbenta ng cocaine sa mga dayuhan na nagbabakasyon sa kanilang lugar.

Ngayon, ang pelikula ay naging makatotohanan na naman at ito nga ay nangyari nitong nakaraang araw lang sa karagatan ng Cagayan. Nabanggit natin ‘na naman’ dahil kung hindi tayo nagkakamali ay may nangyari na noon na ganitong estilo ng pagbabagsak ng cocaine sa bansa. Nangyari ito sa karagatan ng kabisayaan.

Pero sana nga lang ay hindi mangyari ang nasa huling bahagi ng pelikula na ang mga awtoridad na ang magpapatakbo ng sindikato at kanilang ipinapatay ang mga naaresto nilang tulak para walang kakanta.

At heto nga, 21 Marso 2022, nabuko ang lumang estilo ng sindikato ng droga – ang pagpapaanod ng droga sa karagatan. Estilong desperado na ang sindikato na maipasok ang droga sa bansa dahil sa mahigpit na kampanya laban dito na kamakailan lamang, milyon-milyong halaga ng shabu ang nakompiska sa lalawigan ng Quezon sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Marahil sa nangyaring operation, desperado na ang sindikato kaya minabuti nilang gamitin na naman ang karagatan sa pagbasak ng droga sa bansa – pinaanod ang tatlong kilong cocaine sa karagatan ng Cagayan partikular sa bayan ng Abulog at Ballesteros.

Nabuko ang mga pinaanod na droga sa tulong ng mga pangingisda na unang nakakita sa mga droga na lulutang-lutang sa karagatan. Agad ipinaalam ng mga mangingisda ang natagpuang cocaine sa kanilang barangay chairman na siyang nag-report sa pulisya at PDEA.

Ayon sa dalawang mangingisda, habang nasa karagatan sila sakay ng kanilang motor banca, namataan nila ang tatlong bagay na palutang-lutang sa dagat dakong 9:00 am. Dinala nila ang kahinahinalang bagay na nakabalot ng plastik, nakabalot din ng packing tape at nakatali ng itim na goma, sa kinaukaulan ng kanilang barangay.

Siyempre, agad nilang ipinaalam sa pulisya ang tatlo bagay na nang buksan ay tumambad ang kahinahinalang cocaine na umaabot sa tatlong kilo (tig-isang kilo ang bawat pakete) na nagkakahalaga ng P15 milyon.

Bakit kaya ipinadaan na naman sa karagatan ang transaksiyon sa pagdedeliber ng droga? Senyales ba ito na hirap na ang mga sindikato na magpasok ng droga sa mga pantalan at paliparan? Kunsabagay, madalas na nahaharang ang mga kontrabando sa paliparan at pantalan maliban sa ilang transaksiyon na nakalulusot dahil sa sabwatan.

Pero tatlong kilo lang kaya ang pinaanod ng sindikato sa karagatan? Natanong natin ito dahil hindi naman siguro magsasayang ng oras o panahon ang sindikato para lang magpaanod ng tatlong kilo kung saan ay magmumula pa sila sa ibang bansa at ilegal na makapasok sa karagatan ng bansa.

Kaya ang dapat gawin ng PDEA at PNP ay suyurin ang bawat barangay na pinalilibutan ng karagatan ng Abulog at Ballesteros. Hindi natin masabi at baka mayroon pang mga naliligaw at palutang-lutang na cocaine sa lugar o maaaring may ilang mangingisda na nakakita rin sa droga pero hindi ipinaalam o isinuko. Ops, linawin natin ha… “baka” lang ha at hindi natin kinokompirma na mayroon pa. At ang atin suhestiyon ay para makaseguro lang naman na hanggang tatlong kilo lang ang ibinagsak.

Bukod dito, alamin din ng PDEA at PNP kung bakit sa naturang lugar pinaanod ang droga o hindi kaya, maaring sa naturang lugar ang target at ang tatlong pakete ay naligaw lang.

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …