PARARANGALAN ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ngayong araw, Lunes, 21 Marso 2022 ang mga natatanging frontliner para sa taong ito, kaugnay ng selebrasyon ng Frontliners’ Day sa lungsod.
Ito’y pangungunahan ni Mayor Oscara “Oca” Malapitan at ng may-akda ng Frontliners’ Day ordinance na si Councilor Vince Hernandez.
Aabot sa 17 frontliners na nagpamalas ng kanilang hindi matawarang serbisyo at sakripisyo ang bibigyang parangal ng pamahalaang lungsod. Ilan sa kanila ay doktor, pulis, bombero, emergency responder, security guard, vaccination personnel, swabbing personnel, tricycle driver, at media practitioner.
Bibigyang-parangal din ang ilang samahan o organisasyon na nagpakita ng suporta sa pamahalaang lungsod sa gitna ng patuloy na laban sa pandemya.
“Napakalaki ng sakripisyo ng ating mga frontliner upang mapabuti ang ating sitwasyon kontra CoVid-19. Taos-pusong pasasalamat sa kanilang hindi matatawarang serbisyo,” pahayag ni Mayor Oca Malapitan.
Samantala, ayon kay Councilor Vince Hernandez, ang pangunahing may-akda ng ordinansa at Pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation ng lungsod, ang Caloocan Frontliners’ Day na isinasagawa tuwing 15 Marso ay simbolo ng pagpupugay para sa kabayanihan ng ating mga frontliner.
“Gusto rin natin ipaabot ang ating pakikiramay, simpatya at pagsaludo sa pamilya ng mga frontliners na namatay sa gitna ng pandemya. Saludo po kami sa inyong lahat,” ani Hernandez.
Matatandaan, ang kauna-unahang Frontliners’ Day ay makasaysayang ginunita sa Caloocan noong isang taon. (JUN DAVID)