INARESTO ang isang babae nang makompiskahan ng may P6.9 milyong halaga ng shabu sa isang controlled delivery na isinagawa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Caloocan City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ni PDEA chief Director General Wilkins Villanueva ang naarestong suspek na si Charlene Nworisa, ng Villa Crystal Phase 1, Bagumbong Dulo, Caloocan City.
Nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Batay sa ulat ng PDEA Region 3, pinamumunuan ni Regional Director Bryan Babang, dakong 8:30 pm nitong 17 Marso nang isagawa ang controlled operation sa tahanan ni Nworisa.
Nauna rito, noong 12 Marso 2022, isang package na nagmula sa Kuala Lumpur, Malaysia ang dumating sa Port of Clark, na naka-consign sa suspek.
Ang pakete ay idineklarang mga laruan ngunit nang isailalim ng mga awtoridad sa X-ray at field testing, gamit ang Rigaku Progency, nadiskubreng may nakatagong 31 translucent plastic pouches na naglalaman ng puting crystalline substance na tumitimbang ng isang kilo.
Agad nagkasa ang mga awtoridad, sa pangunguna ng PDEA Central Luzon, Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs – Port of Clark, PDEA NCR NDO, at PNP units, ng controlled delivery operation hanggang dakpin ang suspek nang tanggapin ang package. (ALMAR DANGUILAN)