NADAKIP ang isang high value individual (HVI) nang makuhaan ng baril at mahigit P.4 milyon halaga ng shabu nang maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan City police chief, Col. Samuel Mina, Jr., ang naarestong suspek na si Marvin De Vera alyas Bigboy, 37 anyos, residente sa Hernandez St., Brgy. Catmon, Malabon City.
Batay sa ulat ni Col. Mina kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr., nakatanggap ang mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) tungkol sa illegal drug activity ng suspek kaya’t isinailalim sa isang linggong validation.
Nang positibo ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Maj. Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC-RMFB ang buy bust operation sa Kapak St., Brgy. 12, na isang pulis ang umaktong poseur-buyer at nagawang makipagtransaksiyon kay De Vera ng P10,000 halaga ng droga.
Nang matanggap ng back-up operatives ang pre-arranged signal mula sa poseur buyer na nakabili na siya ng shabu sa kanilang target, agad silang lumapit saka inaresto ang suspek.
Nakompiska sa suspek ang tinatayang nasa 60 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price P408,000, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 9 pirasong P1,000 boodle money at isang cal. 38 revolver na kargado ng apat na bala.
Nakatakdang sampahan ng kaso ang suspek ng paglabag sa Section 5 and Section 11 Art II of RA 9165 at RA 10591 in relation to Omnibus Election Code of the Philippines. (ROMMEL SALES)