WINAKASAN ng 46-anyos binata ang paghihirap sa dinaranas na nakahahawang karamdaman sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa balkonahe ng kanilang tirahan nitong Huwebes ng madaling sa Caloocan City.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Caloocan police chief, P/Col. Samuel Mina, naganap ang insidente dakong 3:27 am sa bahay ng biktimang itinago sa alyas na Maning, sa Brgy. 76, Bagong Silang.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Bayani Auditor, Jr., nasa sala at matutulog na ang dalawang babaeng kapwa menor de edad na pamangkin ng biktima nang makarinig sila ng isang putok ng baril mula sa balkonahe ng kanilang tirahan.
Nang magtungo ang dalawa, nakita nilang nakabulagta na ang katawan ng kanilang tiyuhin at umaagos ang dugo sa ulo habang hawak sa kanang kamay ang kalibre .38 baril.
Nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 12 ang baril na ginamit ng biktima na mayroon pang limang bala at isang basyo sa chamber.
Sa pahayag ng kapatid ng biktima kay Cpl. Auditor, dumaranas ng depresyon ang kanyang kapatid dahil sa malubhang sakit sa bato at respiratory syndrome. (ROMMEL SALES)