LABING-APAT pamilya sa walong bahay ang nawalan ng tirahan makaraang lamunin ng apoy ang kanilang kabahayan makaraang sunugin ng isang hindi pa pinangalanang lalaki kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Dakong 2:00 am nang biglang sumiklab ang sunog sa Maypajo, Brgy. 35, ng nasabing lungsod.
Salaysay ni Chairman Ricky Madali, isang hindi pa pinangalanang lalaki ang kinuyog ng mga residente sa lugar na pinaghihinalaang nanunog dahil matagal na umanong nagbabanta.
“‘Yung bahay na ‘yun may mga nagpa-pot session at nag-iinuman at no’ng makita ng mga tao na malaki na ang apoy ay nagtakbuhan sila, kaya isa roon ay nahuli at dinala dito sa barangay at patuloy na iniimbestigahan,” saad ni Madali.
Walang kahit anong naisalbang gamit ang mga residente dahil sa bilis ng paglaki ng apoy sa kabahayan na pawang gawa sa light materials.
Kaugnay nito, nagsasagawa ang mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng imbestigasyon upang mabatid kung sino ang nanunog sa lugar. (ROMMEL SALES)