INIANUNSYO ng pamahalaang lungsod ng Navotas na nagbunga na ang matagal nitong plano na pinakamalaking proyektong pabahay para sa mga Navoteño, ang Navotas Coastal Development.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ang proyektong ito ay pinagplanohan nila ni Congressman John Rey Tiangco kasama ang San Miguel Corporation at walang gagastusin ang lokal na pamahalaan ng Navotas.
Anang magkapatid na Tiangco, sa itatayong expressway papuntang New Manila International Airport ay tatayuan ng 3,480 units na pabahay, ang pinakamalaking pabahay project natin sa lungsod.
“Mayroon itong residential condominium, parks, open space, public facilities, commercial area, organized vendor’s area, tricycle and pedicab terminals, mga daanan ng mga bangka at fisherman’s wharf,” ani Cong. John Rey.
“May tulay na konektado sa A. Ignacio St., bicycle, pedicab at pedestrian bridges sa Judge Roldan at A. Santiago at on ramp para sa ekslusibong lane ng motorsiklong below 400cc at ekslusibong lane para sa mga bisikleta at walang tatamaan na mga kabahayan” pahayag ni Mayor Toby.
“Pabahay at progreso sa mga Navoteño, ‘yan po ang ating patuloy na pagsusumikapan, para sa inyo, mga kababayan ko!” dagdag ni Tiangco. (ROMMEL SALES)