ISINELDA ang isang construction worker matapos makuhaan ng baril at shabu nang sitahin ng mga pulis dahil walang suot na face mask sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Valenzuela Police Sub-Station 3 Commander P/Maj. Tessie Lleva, ang naarestong suspek na si Eric Lian, 48 anyos, residente sa A. Fernando St., Brgy. Marulas.
Base sa imbestigasyon ni P/Cpl. Glenn De Chavez, dakong 4:15 pm, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng SS3 sa ilalim ng pangangsiwa ni P/Maj. Lleva sa Bai Compound, Brgy. Marulas nang sitahin nila ang suspek dahil walang suot na face mask, malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.
Nang lapitan ni P/Cpl Bernie Badia-on para isyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) ay biglang kumaripas ng takbo ang suspek na naging dahilan upang habulin siya ni P/Cpl. Reymon Evangelista hanggang makorner at maaresto.
Nang kapkapan, narekober sa suspek ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, nasa P3,400 ang halaga, isang cal. 22 revolver, apat na bala at holster.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, Art 151 of RPC at RA 10591 (Comprehensive law on firearms and ammunitions) in relation to Comelec resolution number 10728. (ROMMEL SALES)