TINATAYANG mahigit P.1 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa anim na hinihinalang drug personalities matapos matimbog sa magkahiwalay na drug operations ng pulisya sa Navotas City.
Ayon kay Navotas City police chief Col. Dexter Ollaging, dakong 11:30 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr., ng buy bust operation sa A. Cruz St., Brgy. Tangos South na nagresulta sa pagkakaaresto kay Michael Manalaysay, alyas Ungkay, 42 anyos, (pusher/listed), at Leo Escalona, 38 anyos.
Nakompiska sa kanila ang tinatayang nasa 7 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price P47,000 at P500 marked money.
Nauna rito, dakong 10:45 pm nang madakma ng kabilang team ng SDEU si Jeffrey De Guzman, 45, at Melchor Malana, Jr., 43 anyos, sa buy bust operation sa Dalagang Bukid St., Brgy. NBBS, Dagat-dagatan.
Narekober sa kanila ang tinatayang nasa 4.5 grams ng hinihinalang shabu nasa P30,600 ang halaga at P500 buy bust money.
Sa Brgy. Bangkulasi, dakong 9:00 pm nang maaresto ang magsyotang sina Jay Dela Cruz, alyas Bruno, 39 anyos, at Jennifer Alojacin, 39 anyos, ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 sa isinagawang validation at patrolling sa Pescador 1 Street.
Nakuha sa mga suspek ang anim transparent plastic sachets na naglalaman ng tinatayang nasa 4.7 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P31,960.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek. (ROMMEL SALES)