ni ROSE NOVENARIO
WALA pang indikasyon na magpapatawag ng special session sa Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte kahit may panawagan ang Department of Energy (DOE) na isuspende ang excise tax sa petrolyo at amyendahan ang Oil Deregulation Law para makaagapay ang publiko sa pagsirit ng presyo ng langis.
Iginiit kahapon ng DOE na kailangan nang paspasan o iprayoridad ng Kongreso ang pagsuspende sa excise tax ng langis dahil mas mabilis itong hakbang kaysa isinusulong na unbundling o paghimay sa components ng petrolyo lalo na’t suportado ng Palasyo ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law pero mas importante raw ngayon ang instant na solusyon sa mahal na presyo ng gasolina.
“Instead of waiting for the next Congress in July at least at this point we were ready to respond to this situation. At least for the suspension of excise tax because I understand the passage of the amendment of the Oil Deregulation Law will take sometime,” sabi ni Energy Undersecretary Gerardo Erquiza, Jr., sa panayam sa Frontline Tonight sa News5 kagabi.
Para kay House Transportation Committee Chairman Edgar Sarmiento, bagama’t plano nilang dinggin sa plenaryo ang suspensiyon ng excise tax sa langis pero dahil naka-break pa rin ang Kongreso kailangan magpatawag muna ng special session ang Pangulo.
Maselan din aniya ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law kaya’t dapat tumulong rin ang DOE sa pagbabalangkas ng mga babaguhing probisyon.
“Nakikiusap ang Kongreso and you were part of that, na ‘wag naman sa atin lang ‘yung trabaho. Bigyan naman kami ng Department of Energy kung anong i-a-amend at kung kaya ba nating trabahuin dito sa Kongreso,” ayon kay Sarmiento sa panayam sa programa ni Ted Failon at DJ Cha-cha sa Radyo Singko kahapon.
Kaugnay nito, naniniwala Prof. Emmanuel Leyco, isang ekonomista at pangulo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na kayang mag-survive ng ekonomiya kahit walang excise tax at value added tax sa langis.
Kailangan aniyang bigyan proteksiyon ng pamahalaan ang purchasing power ng mga mamimili o consumers.
“Ang klase ng ating ekonomiya’y pinatatakbo ng mga mamimili, ng ating mga household dahil kompara sa public spending, mas malaki ang ginugugol ng households. Kung kaya mula sa pananaw na iyan, kapag ang ating mga consumer, ang ating mga mamimili ay humina ang kanilang purchasing power, hihina rin ang ating ekonomiya. Kung sinasabi natin na nagwo-worry na baka humina ang ating ekonomiya , pagka hindi po natin tinulungan ang ating mga mamimili , babagal ang pamimili, babagal ang merkado, babagal ang pagtakbo ng ating ekonomiya,” paliwanag niya sa programang Wag Po sa One PH.
“So sa akin, mula sa ganyang perspektiba, ang aking pananaw ay pangalagaan ang purchasing power ng ating mga mamimili. Ibig sabihin niyan kung tumataas ang presyo ng mga bilihin ay kakaunti ang mabibili nila sa kanilang kasalukuyang piso,” dagdag niya.
Umakyat aniya sa 3% ang inflation o tatlong porsiyento ang itinaas ng presyo ng mga bilihin. “Nandidiyan ang pagkain, nandidiyan ang transportasyon , and’yan ang healthcare, and’yan ang edukasyon, and’yan ang pasahe, maraming mga bilihin na kasama d’yan. Pero kapag ang petrolyo ang tumaas ang presyo ay sunud-sunod na po iyan. Magkakaroon ng kawing-kawing o domino effect ‘yan. Lahat ng ating mga pangunahing bilihin ay siguradong tataas. Ngayon kung tumaas ‘yan, kakaunti ang mabibili ng kasalukuyang pera na inuuwi ng ating mga mamamayan,” paliwanag ni Leyco.
Wala aniyang katotohan ang pahayag ng Department of Finance (DOF) na mawawala ang P150-B sa pamahalaan kapag sinuspende ang excise tax sa langis.
“ Meantime, huwag tayong masyadong mag-alala na kapag tinanggal natin ang excise tax, tinanggal natin ang value added tax ay mawawalan ng pondo ang gobyerno,” aniya.
“Unang-una, mayroon tayong pondo na puwedeng hugutin. Pangalawa, hindi totoo na kapag binigyan mo sila ng, kapag ni-lift natin ang excise tax , mga value added tax, babagal ang ekonomiya, hindi naman po iyon. Kaya ang sinasabi natin, kapag pinalakas natin ang ating consumer, ang ating household consumers, ay patuloy na tatakbo ang ating ekonomiya. Kung ganoon, habang tumatakbo ang ating ekonomiya, marami pa rin ang magbabayad ng taxes,” paliwanag ni Leyco.
“So ‘yung ating value added tax, ‘yung ating mga excise tax, mapapalitan ‘yan ng patuloy na pagbabayad ng mga negosyo na patuloy na nag-o-operate during this period. Hindi po iyan zero sum game, kinuha mo iyan, talo ‘yung kabila.”
Patuloy aniya ang hamon sa pamahalaan , mangolekta ng tama, sa tamang oras, tamang halaga ng buwis ang Bureau of Internal revenue (BIR) at Bureau of Customs (BoC) at pagtuunan ang pagtulong sa maliliit na negosyante dahil mahigit 60% ng ekonomiya ay pinatatakbo ng small and medium enterprises.
Para bawasan ang epekto
KAMARA GAGAWA NG PARAAN
SA TAAS PRESYO NG PETROLYO
TINIYAK ni House Speaker Lord Allan Velasco na gumagawa ng paraan ang Kamara para mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Anang speaker, may iba pang paraan na puwedeng gawin maliban sa pagsuspende ng pagpataw ng fuel excise taxes.
“We can’t just sit idly by while our kababayan are suffering from the impacts of unabated oil price hikes. We must do something; we must find solutions to this crisis,” ani Velasco.
Nagpahayag si Velasco habang nag-uusap ang ad hoc committee na kanyang binuo tungo sa paggawa ng paraan para maibsan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ang ad hoc committee ay binubuo nina Committee Chairs Sharon Garin (Economic Affairs), Joey Sarte Salceda (Ways and Means), Juan Miguel “Mikey” Arroyo (Energy), and Edgar Mary Sarmiento (Transportation).
“We expect the ad hoc committee to fully assess the economic impact of the drastic increase in oil prices and come up with recommendations on how the government can address the problem at the soonest possible time,” ani Velasco.
Pinuri ni Velasco ang desisyon ng gobyerno na bigyan ng subsidiya ang mga sektor na malubhang naapektohan ng pagtaas ng pesyo ng petrolyo.
“I believe that what the government is doing, giving subsidies to targeted beneficiaries who are severely affected by unabated oil price hikes, is the best solution for now,” ani Velasco. (GERRY BALDO)