NASAMSAM ang mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga na nadakma sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ni P/SSgt. Ana Liza Antonio kay Valenzuela City police chief, Col. Ramchrisen Haveria, Jr., dakong 5:30 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Doddie Aguirre sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa McArthur Highway corner 1st St., Brgy. Marulas.
Matapos matanggap ang impormasyon mula sa impormante na nagbebenta ng shabu si Angelo Manoguid, 21 anyos, residente sa Mabolo St., Potrero, Malabon City.
Isang pulis na umakto bilang poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksiyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin ni Manoguid ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.
Nakompiska sa suspek na si Manoguid ang tinatayang nasa 20 grams ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P136,000 at buy bust money na isang P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.
Nauna rito, dakong 3:00 am nang maaresto rin ng kabilang team ng SDEU si Raymond Bagtas, alyas Mong, 39 anyos, ng Bagbaguin, Caloocan City sa buy bust operation sa East Service Road, Brgy., Paso De Blas, Valenzuela City.
Nakompiska kay Bagtas ang tinatayang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P68,000 ang halaga, P500 marked money, P300 bills at cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)