SINONG hindi bibilib sa 17-anyos na si Josh Mojica na bumasag sa kasabihan na “pupulutin ka sa kangkungan,” matapos niyang mapaunlad ang kanyang buhay at nakatulong sa iba dahil sa kangkong?
Pero sa likod ng tagumpay ng binata, kinilala sa kanyang kangkong chips, ay ang kanyang idolo na labis niyang pinasasalamatan dahil sa tulong nito para tuluyang mabago ang takbo ng kanyang kapalaran — si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Ayon kay Mojica, kung may isang tao man bukod sa kanyang pamilya at mga kaibigan na tumulong para maabot niya ang tagumpay sa pagnenegosyo, ito’y walang iba kundi si Lacson na kapwa niya Caviteño at nagbigay sa kanya ng inspirasyon at malaking oportunidad.
“May mga tao talagang makababangga tayo sa buhay natin tapos maaaring baguhin ‘yung buhay natin. Maaaring maging lesson sila, maaaring maging stepping stone sila para makamit ‘yung mga pangarap natin, at magpasalamat kayo sa Diyos para sa mga taong ‘yon,” paglalarawan ni Mojica kay Lacson.
Nakilala ni Mojica si Lacson mula sa mga kuwento ng kanyang lolo na idolo rin ang batikang lingkod bayan. Gayonman, wala sa hinagap ng binata na ang taong naririnig niya lamang ay makikilala pala niya sa personal at magiging dahilan pa ng pagbabago ng kanyang buhay.
Nitong Sabado, 5 Marso, nagkita sina Lacson at Mojica nang bumisita ang presidential candidate sa Cavite na kanyang probinsiya para kumustahin ang batang negosyante at iba pang may-ari ng maliliit na negosyo rito.
Ipinakilala ni Lacson si Mojica sa harap ng mga mamamahayag at inilahad kung paano sila nagkakilala ng kangkong chips owner na kanyang ipinagmamalaki dahil sa murang edad ay naging matagumpay sa pagnenegosyo sa kabila ng hirap na pinagdaanan.
Sabi ni Lacson, nakilala niya si Mojica dahil sa kanyang staff. Nag-iisip umano sila noon kung ano ang ipamimigay na regalo para sa kanilang mga kaibigan sa Kapaskuhan. Nang malaman ng senador na kababayan niyang Caviteño ang may-ari ng kangkong chips ay agad niya itong nagustohan.
“Ang istorya niya (Mojica) nag-backyard siya, parang homemade lang ng kangkong chips. Napanood ng aking staff na naggagawa siya ng ganoon. So, sabi ko, pakuha ka ng sample. E nasarapan ‘yung mga staff ko kasi lahat, parang FGD (focus group discussion), sabi ko, order tayo,” kuwento ni Lacson sa press conference na ginanap sa Alfredo’s Grill & Restaurant sa Mendez.
Ibinahagi ni Lacson sa kanyang opisyal na Twitter account noong 21 Nobyembre ang negosyo ni Mojica. “I don’t know him (Josh) but I’m so proud of him. Hats off!” bahagi ng kanyang post. Umorder ng 400 packs ng kangkong chips ang opisina ng senador para isama sa kanilang Christmas gift basket.
Dito na umano nagkaroon ng big break si Mojica dahil sa tulong ni Lacson na tumangkilik ng kanyang produkto ay nagtuloy-tuloy na ang paglakas ng kanyang negosyo.
“Dahil po roon sa tweet po niya (Lacson), dahil lang po roon, sa isang tweet nagkaroon po ako ng opportunity na makatulong po ako sa family ko, maiahon ko po ‘yung family ko sa kahirapan. Tapos, lahat po ng pangarap ng daddy (lolo) ko ngayon natutupad na po,” pahayag ni Mojica na naging emosyonal habang pinapasalamatan si Lacson.
Bago lumago ang kangkong chips business niya, isang hamon ang kinaharap ni Mojica nang pumanaw ang kanyang lolo na malapit sa kanya. Nadagdag ito sa problema na kanilang nararanasan sa kasagsagan ng pandemya na naging dahilan upang muntikan na siyang sumuko, hanggang maipakilala siya ni Lacson sa Twitter.
“Sobrang idol din po ni daddy si Senator Ping, kasi Caviteño nga po si daddy, purong Caviteño. Kaya sabi ko, ang galing, si Senator Ping pa ‘yung nakakilala sa akin,” saad ni Mojica kung paanong ang pagiging magkababayan nila ni Lacson ay nakatulong para makilala niya ang presidential candidate.
Inilahad din ni Mojica na ang kangkong chips na kanyang pinasimulan ay recipe ng kanyang tita na paborito ng kanyang lolo dahil sa pagiging unique nito. Ito umano ang nagbigay ng ideya sa binata para subukang ibenta ito sa publiko.
Tinawag ni Mojica na “blessing in disguise” si Lacson para sa kanyang pamilya dahil matapos niyang umorder ng mga kangkong chips ay naging sunod-sunod na ang kanilang customer. Tumaas ang kanilang benta hanggang umabot ito 2,000 packs kada araw.
Napahanga si Lacson, kung paano nadaig ni Mojica sa mura niyang edad ang mga hamon sa buhay na kanyang napagdaanan. Umaasa siya na mas marami pang Filipino ang tumulad sa kanya na sumubok magnegosyo — bata man o nagkakaedad na – dahil walang pinipiling edad ang tagumpay, aniya.
Hindi pa huli ang lahat para sa mga Pinoy na gustong magnegosyo at kumita para sa kanilang sarili at makapag-ambag para sa pagbabago sa ating bansa mula sa pagsisikap at determinasyon, sabi nina Lacson at Mojica.
“Imagine, he started with P3,000 tapos meron ka pang down, ‘di ba? Parang you almost… Medyo nag-quit ka pa e nang konti tapos nag-strive ulit hanggang nandito na siya. And hopefully, ‘yung 2,000 (packs) a day niya ay maging 3,000, 4,000, 5,000 (packs)” ani Lacson.
Ang pinagdaanan ni Mojica ay patunay na posible para sa mga kabataan na labanan ang kawalang pag-asa na kanilang nararamdaman dahil sa estado ng kanilang buhay o kalagayan ng ating bansa, basta’t magpokus lamang aniya sila sa kanilang nais na makamit, ayon kay Lacson.
Dagdag niya, maaari rin maipasa ang tagumpay ni Mojica sa iba pang mga negosyante kung mabibigyan ng tulong at tamang suporta mula sa pamahalaan ang mga nasa sektor ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Ipinangako ng presidential candidate, sa ilalim ng kanyang administrasyon kasama ng running mate na si Senate President Tito Sotto ay mas uunlad ang maliliit na negosyo o ang sektor ng MSME sa buong bansa, sa pamamagitan ng tamang polisiya mula sa gobyerno at hindi ang pagbababa ng labis na regulasyon.
Nanawagan din si Lacson sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Food and Drugs Administration (FDA), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Science and Technology (DOST) para suportahan ang mga kagaya ni Mojica na batang negosyante.
Bukod kay Mojica at sa kanyang mga tauhan, binista rin ni Lacson ang mga manggagawa ng Café Amadeo Development Cooperative na nakilala dahil sa kanilang ‘Pahimis’ coffee at iba pang mga produkto.