ISINELDA ang isang mangingisda matapos makuhaan ng improvised firearm (sumpak) ng mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Galugad sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon City police chief, Col. Albert Barot ang naarestong suspek na si Juancho Francisco, 49 anyos, residinte sa C4 Road, Brgy. Tañong.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/SSgt. Michael Oben at P/Cpl. Rocky Pagindas, dakong 4:50 pm, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 3 sa pangunguna ni P/Lt. Roger Perez sa kahabaan ng Karisma Ville, Brgy. Panghulo.
Dito, napansin ng mga pulis ang nakausling sumpak na nakasukbit sa baywang ng suspek kaya sinita nila at nang hanapan ng kaukulang papeles ay walang naipakita.
Kaagad inaresto ang suspek at narekober sa kanya ang isang sumpak na may isang bala.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to Omnibus Election Code. (ROMMEL SALES)