SWAK sa kulungan ang dalawang bebot na bagong indentified drug personalities (IDPs) matapos magbenta ng shabu sa isang pulis sa naganap na buy bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon City police chief, Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na kinilalang sina Charlene Sapio, alyas Chacha, 25 anyos, vendor, residente sa Brgy. Baritan, at Jasmine Lopez, 27 anyos, manikurista ng Brgy. Tañong.
Ayon kay Col. Barot, dakong 9:30 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation sa C4 Road, Brgy., Tañong matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng shabu ng mga suspek.
Nagawang makipagtransaksiyon sa mga suspek ng halagang P500 ng shabu ang isang pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poser-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinakip ng mga operatiba.
Ayon kay P/MSgt. Randy Billedo, nakompiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 2.9 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price na P19,720 at marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)