PATAY ang isang ‘motornapper’ makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District – Bagong Silangan Police Station (QCPD-PS13) nitong Sabado ng gabi sAa Brgy. Payatas ng lungsod.
Sa ulat kay QCPD Director, P/Gen. Remus Medina, dakong 11:17 pm nitong Sabado 5 Marso 2022, naganap ang enkuwentro sa Mahogany St., Payatas Road, Brgy. Payatas, Quezon City.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Roldante Sarmiento, commander ng PS13, ang suspek ay tinatayang nasa 5’1” ang taas, 30-35 anyos, nakasuot ng gray short at green/red hoodie sweatshirt at may tattoo na “aries” sa itaas na bahagi ng kanyang likuran.
Nauna rito, dakong 10:45 pm nitong Sabado, ang biktimang si Aldrin Amorcillo, 28 anyos, pasakay ang biktima sa kanyang motorsiklo sa Mahogany St., nang dumating ang anim na lalaking lulan ng tatlong motorsiklo.
Tinutukan ng baril ang biktima at kinuha ang kanyang cellphone at ang kanyang motorsiklong Yamaha Mio at saka tumakas.
Agad ipinaalam ng biktima ang pangyayari sa PS13 na nagsagawa ng follow-up operation.
Namataan ng pulisya ang isa sa suspek lulan ng tinangay na Yamaha Mio sa Mahogany St., malapit sa kanto ng Payatas Road, Quezon City ngunit imbes sumuko ay pinaputukan ng suspek ang mga nagrespondeng pulis.
Gumanti rin ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Narekober sa suspek sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .38, may tatlong bala at dalawang fired cartridge case at isang coin purse na naglalaman ng dalawang sachet ng shabu.
Samantala, narekober din ang motorskilo ng biktima na isang orange Yamaha Mio-I UN 125 may MV File No. 0401-00001064387.
“Binabati ko ang ating pulis sa kanilang maagap na pagresponde sa mga ganitong klaseng sitwasyon. Ito ay nagpapakita na ang ating pulisya ay susuungin ang anomang panganib upang magampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin,” pahayag ni Medina.
“Ang Team NCRPO ay buong katapangang susuungin ang anomang panganib upang ipatupad ang kampanya laban sa kriminalidad. Kung kaya naman hinihingi namin ang kooperasyon ng publiko para sa ikatatahimik at ikaaayos ng ating komunidad,” tugon ni P/MGen. Felipe Natividad, ang Regional Director ng National Capital Region Police Office. (ALMAR DANGUILAN)