INILUNSAD ang kauna-unahang KADIWA ni Ani at Kita o KADIWA CARTS project sa Quezon City Jail Male Dormitory.
Ayon kay J/Col. Xavier Solda, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Public Information Officer, ang programa ay inisyatiba at pinangunahan ni Quezon City Jail Warden, J/Supt. Michelle Ng Bonto sa pakikipgatulungan ng Department of Agriculture (DA) at ng Quezon City Local Government Unit (LGU).
Ayon kay Bonto, malaki ang maitutulong ng proyekto sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na nakapiit sa QCJ dahil makabibili rito ang kanilang mga pamilya o kaibigan na dadalaw sa kulungan sa mas mababang presyo ng mga pangunahing nabibili sa palengke tulad ng bigas, gulay, isda at iba’t ibang mga produktong agrikultura.
Bukod sa pamilya ng PDLs, isa rin sa makikinabang sa proyekto ay ang nakapalibot na residente sa QC Jail. Ani Bonto, maaari rin silang mamalengke sa Kadiwa na nasa harapan ng city jail.
Sinabi ni Bonto, bago inilunsad ang proyekto nitong 4 Marso 2022, namigay ng flyers ang kanyang mga tauhan sa komunidad na nakapaligid sa piitan.
“Two weeks before, umikot sa mga nakapaligid na mga bahay sa amin (city jail) ang mga tauhan ko at namigay ng flyers regarding sa launching ng Kadiwa sa harapan ng piitan,” pahayag ni Bonto.
“Sa ngayon, bilang panimula ay tatlong araw muna sa loob ng isang linggo bukas ang Kadiwa. Biyernes, Sabado at Linggo…and hopefully ay magiging araw-araw na ito,” dagdag ni Bonto.
Ayon kay Solda, dumalo sa okasyon sina BJMP National Capital Region (NCR) Director J/CSupt. Luisito Muñoz, P/Lt. Col. Alex Alberto, commander ng Kamuning Police Station 10, Department of Agriculture (DA) Director U-Nichols Manalo, Director for NCR operation, DA Assistant Director Annray Rivera, Joyce Bengo, OIC Chief Market Development Division.
Dumalo rin sina Emmanuel Velasco, hep eng Sustainable Development Affairs Unit na kumatawan kay QC Mayor Joy Belmonte; Architect Nancy Esguerra, Department Head, Parks Development Administrative; Jojo Sunico, Head Nursery Division; at retired police colonel Procorpio Lipana, Program and Project officer ng Market Development and Administration Department (MDAD).
Naging panauhing pandangal sa kaganapan si DA Undersecretary Kristine Evangelista for Consumer and Political Affairs.
Sinabi ni Evangelista, hindi lamang PDLs ang matutulungan ng KADIWA kung hindi maging ang mga batayang konsumer at mga magsasaka.
Lumalabas na halos P20 mas mababa ang presyo ng produkto sa KADIWA kung ikokompara sa retail price sa mga palengke sa pakikipagtulungan ng LGUs.
Samantala inihayag ni Muñoz ang pagnanais ng BJMP na palawakin ang proyekto sa mga city jail sa NCR. (ALMAR DANGUILAN)