RATED R
ni Rommel Gonzales
KUNG may bagong mga kontrabida sa First Lady sa katauhan nina Samantha Lopez (bilang Ambrocia Bolivar), Isabel Rivas (bilang Allegra Trinidad), Francine Prieto (bilang Soledad Cortez), at Shyr Valdez bilang beteranang household staff na si Sioning, may mga “comebacking contravidas” naman at ang mga ito ay sina Glenda Garcia at Maxine Medina.
Gumaganap si Glenda bilang si Marnie Tupaz at si Maxine naman ay bilang si Lorraine Prado.
Mas naging salbahe ba si Glenda sa First Lady kaysa papel niya sa First Yaya?
“Ganoon pa rin si Marnie Tupaz, isa pa rin ang gusto niya, ang mapabagsak si President Glenn Acosta. Nawala man si Speaker Prado na kakampi niya, may bago naman siyang kakampi sa katauhan ni Attorney Ingrid Domingo played by Alice Dixson,” ang pahayag ni Glenda.
Ang Speaker Prado na tinutukoy ni Glenda ay ang karakter na ginampanan ni Gardo Versoza sa First Yaya.
Wala na si Gardo sa cast ng First Lady dahil kasama naman sa cast ng Book 2 ng Agimat Ng Agila ni Ramon “Bong” Revilla Jr.
“Ang madalas kong kaeksena ngayon dito sa ‘First Lady’ ay si Alice at si Divine,” pagpapatuloy pang kuwento ni Glenda.
Ang komedyanang si Divine Aucina ay bagong karagdagan din sa cast ng First Lady at gumaganap bilang si Bella, ang assistant ni Presidential Chief of Staff Yessey Reyes na ginagampanan naman ni Thou Reyes.