ni ROSE NOVENARIO
INARESTO ng mga elemento ng Batangas Police ang may-ari ng DV Boer Farm at kanyang asawa sa Angeles City, Pampanga kagabi sa bisa ng arrest warrant sa kasong swindling.
Nasa kustodiya ng Lian, Batangas police si Soliman Villamin, Jr., 42 anyos, alyas Dexter Villamin, may-ari ng DV Boer Farm, at kanyang asawang si Lovely Corpus, 37, matapos dakpin sa Timog Park Subdivision, Barangay Pampang, Angeles City, Pampanga, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Rebecca Ramas de Guzman, presiding judge ng Regional Trial Court, Branch 68, Binangonan, Rizal.
Walang piyansang inirekomenda si De Guzman para sa pansamantalang paglaya ng mag-asawa.
Sa ulat ni Staff Sgt. Mark Steven Sison, imbestigador sa Angeles City police, nasa loob ng kanilang kotse ang mag-asawa at kanilang driver nang parahin sila ng pinagsanib na puwersa ng Angeles City Mobile Patrol car sa Brgy. Pampang dakong 8:15 pm.
Nabatid kay Sison, nagsagawa ng koordinasyon sa Angeles City police ang mga operatiba ng Lian, Batangas police, bago at matapos ang operasyon laban kay Villamin at Corpus.
Ang report ni Sison ay bilang patunay sa pagkadakip kay Villamin at Corpus taliwas sa napaulat na dinukot umano sila ng walong armadong lalaki sa Angeles City at ang kanilang driver ay binugbog umano pero nakatakas lang.
Bukod sa kasong swindling, nahaharap din sa two counts of syndicated estaf si Villamin at matataas na opisyal ng DV Boer Farm na mayorya’y pawang mga miyembro ng pamilya Villamin.
Noong Lunes, 21 Pebrero, dumagsa sa Department of Justice (DOJ) para maghain ng mga reklamo laban kay Villamin bukod pa sa iba’t ibang kaso sa korte at mga reklamong nakasampa laban sa kanya sa National Bureau of Investigation (NBI).
Matatandaan, noong Marso 2021, pinakilos ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Prosecution Service upang atasan ang lahat ng piskal sa buong bansa na ikonsolida ang lahat ng reklamo laban sa Villamin.
Batay sa ulat, karamihan sa naging biktima ng multi-bilyong agri-investment scam ni Villamin ay overseas Filipino workers (OFWs), mayroon din mga sundalo at professionals na napapaniwala niya na suportado ng ilang ahensiya at opisyal ng pamahalaan ang kanyang negosyo.
Nagkaroon siya ng programa sa Radyo Pilipinas katambal ang broadcaster na si Aljo Bendijo.
Napag-alaman na ang ama ni Villamin na si Soliman Villamin, Sr., ay isang retiradong opisyal ng Philippine Air Force at masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.