AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NABULABOG ang mahigit sa 3,000 inmates sa Quezon City Jail nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Jail and Management (BJMP) at Quezon City Police District (QCPD) ang piitan sa pangunguna ni QCJ Warden J/Supt. Michelle Ng Bonto.
Ops, hindi po kayo nagkakamali sa nabasa ninyo ha, isang babaeng opisyal ang warden o pinuno ngayon sa QC Jail. Kung hindi ako nagkakamali ha, siya yata ang pinakaunang babaeng warden sa QC jail.
Anyway, hindi lang isang ordinaryong babaeng opisyal si Bonto dahil kung hindi, hindi ipagkakatiwala sa kanya ang posisyon – ang dapat kasi sa posisyon ay kinakailangang buo ang puso/loob o handang suungin ang lahat ng pagsubok o hamon.
Para sa kaalaman ng lahat, mali ang inaakala ninyong pagbabantay lang sa piitan ang trabaho ng isang warden kung hindi, marami siyang makakalaban sa loob – hindi lang mga preso o sindikato sa loob ng piitan kung hindi ilan din sa mga jail personnel na protektor ng mga sindikato na pinatatakbo ng mga inmates.
Ngayon, naniniwala tayo na kaya itinalaga si Bonto sa QC Jail ay dahil sa kaya niyang ‘baguhin’ ang piitan at handang kaharapin ang kahit anong hamon sa kanya – ang mga presong nagpapatakbo ng sindikato at mga protektor na jail officers din.
Bukod dito, kaya ipinagkatiwala ang QC Jail kay Bonto ni BJMP Chief, Gen. Allan Iral, dahil subok na ng BJMP ang kakayahan ni Warden Bonto. Para sa inyong kaalaman si Bonto ang naging kauna-unahang female warden ng Special Intensive Care Area 1 High Risk Facility na mas kilala ngayon sa tawag na Metro Manila District Jail Annex 4. Siya ay naging warden dito mula 16 Setyembre 2014 hanggang 9 Marso 2017.
Hindi isang basta-basta kulungan itong pinahawak sa kanya dahil sa pangalan pa lang ng kulungan “High Risk Facility” ibig sabihin ay mga ‘bigatin’ ang mga nakakulong dito. Hindi bigatin na mayayaman ha, kung hindi mga kaaway ng gobyerno tulad ng nahaharap sa kasong terrorism related crimes (TRC); at mga nahaharap sa heinous crimes etc.
So, alam na ninyo kung bakit ipinagkatiwala kay Bonto ang QC Jail. Batid kasi ni Iral ang kakayahan ng mama este ng ale. Nagbiro nga si Madame nang dumalo sa QCPD Press Corps Office. Aniya, hindi raw siya babae. Hahahaha! Gets n’yo siguro ang ibig niyang sabihin. Kaya humanda kayong mga nagpapatakbo ng sindikato sa loob ng QAC Jail, lalo sa kanilang mga protector. Wawalisin kayo ni Warden! Bilang na ang mga araw ninyo!
Balik tayo sa greyhound operation – hayun bilang umpisa ng paglilinis, pinangunahan ni Bonto ang greyhound operation sa piitan kamakailan. Siyempre, nabulabog ang lahat – mga preso lalo ang ilan sa jail officers na nagbibigay proteksiyon sa mga ‘loko’ sa loob. Naku po, paktay kayo!
Pinasok ng 42 jail officers at 373 pulis QCPD ang piitan at ginalugad ang bawal selda. Nakakompiska ang raiding team ng dalawang cellphone, mga improvised drug paraphernalia, 36 patalim at walong ice pick.
Umpisa pa lang iyan ng paglilinis, at lamang ay sunod-sunod na ang gagawing pagwawalis ng opisyal sa piitan – ang durugin ang sindikato kasama na rito ang kanilang mga protektor…ang estilong pagtatago sa mga inmate na matagal nang sentensiyado na dapat nang ibiyahe sa Munti.
Ang greyhound ay katugunan sa direktiba nina BJMP-NCR Regional Director J/Chief Supt. Luisito Munoz at QCPD Director P/Brig. Gen. Remus Medina laban sa kriminalidad, at ilegal na droga.
Nauna nang ipinag-utos ni Iral ang pagsasagawa ng greyhound operations sa iba’t ibang kulungan sa bansa upang masawata ang mga kontrabando at anomalyang kinasasangkutan ng ilang jail personnel.