SA LOOB ng malamig na rehas na bakal mananatili ang isang boy padyak matapos alukin ng shabu ang isang nakasibilyang tauhan ng Maritime police sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) chief P/Maj. Randy Ludovice ang naarestong suspek na si Albert Villareal, 40 anyos, residente sa Baron St., Brgy., NBBS.
Sa imbestigasyon ni P/CMSgt. Richard Denopol, habang naglalakad ang nakasibilyang si Pat. Samboy Pandi sa Palengke St., Navotas Fish Port Complex, Brgy., North Bay Boulevard North (NBBN) dakong 3:40 pm, nilapitan siya ng suspek at tinanong kung kailangan niya ng ‘item.’
Nang sumagot ang pulis ng “Yes” ay ipinakita sa kanya ng suspek ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na naging dahilan upang agad siyang arestohin ni Pat. Pandi sabay pakilala bilang isang pulis.
Nakumpiska ni Pat. Pandi ang dalawang transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P500 ang halaga ng bawat isa.
Nahaharap si Villareal sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)