BAGSAK sa kulungan ang isang kelot dahil sa tangkang pagpatay sa isang call center agent, at nakuhaan ng baril sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon City police chief, Col. Albert Barot ang suspek na si Nieva Domingo, Jr., 39 anyos, residente sa Phase 2 Lot 253 Lupa St., Gozon Compd., Brgy., Tonsuya.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol, dakong 1:30 am, naganap ang bigong pananambang sa biktima sa Phase 3 Letre, Gozon Compd., Brgy. Tonsuya.
Pauwi galing sa kanyang trabaho bilang isang call canter agent si Luisito Fiel, Jr., 28 anyos, residente sa naturang lugar nang harangin ng suspek na armado ng baril.
Sa hindi malamang dahilan, bigla na lamang tinutukan ng baril ng suspek ang biktima dahilan upang sunggaban ni Fiel ang baril hanggang pumutok ito ngunit wala sa kanila ang tinamaan ng bala.
Matapos nito, inawat ng kanilang mga kapitbahay at kanyang mga kaanak ang suspek habang tumakbo ang biktima para sa kanyang kaligtasan at humingi ng tulong sa mga nagrespondeng tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na umaresto kay Domingo.
Narekober ng mga pulis ang isang Colt Automatic caliber .45 at apat na bala nito matapos isuko sa kanila ng mga kaanak ng suspek at nang hanapan ng mga kaukulang dukomento sa naturang baril ay walang naipakita ang suspek.
Nahaharap sa kasong Attempted Homicide at paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code of the Philippines ang suspek na si Domingo. (ROMMEL SALES)