NADISKUBRE ang isang bunker sa basement ng tahanan ng isang hostage-taker, na napatay ng mga operatiba ng pulisya at nakompiska ang may 205 piraso ng mga pampasabog, mga armas at mga bala sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa ulat ng QCPD Police Station 14, kay QCPD Director, P/BGen. Remus Medina, bago ang pagkakadiskubre sa armas, nakatanggap ng sumbong ang mga tauhan ng PS-14 mula sa isang Teshary Salas, 28 anyos, nakadiskubre ng nakatagong bunker sa basement ng kanilang tahanan na may mga nakatagong mga armas at eksplosibo.
Si Salas ay anak ni Arthur Agpalo, ang lalaking nasangkot sa isang insidente ng barilan sa lungsod noong Huwebes, 17 Pebrero, at kalaunan ay napatay ng mga pulis nang makipagbarilan matapos mang-hostage ng isang pamilya sa QC.
Sinabi ni Salas, pagkamatay ng kanyang ama ay saka niya nadiskubre ang naturang bunker sa basement ng kanilang tahanan sa Rosal St., Pingkian 2, Zone 2, Brgy. Pasong Tamo noong Sabado, ganap na 10:05 pm.
Kabilang sa mga narekober ng mga pulis ang dalawang rifle grenade, isang fragmentation hand grenade, apat na pirasong .38 revolver, isang improvised long firearm, isang caliber .9mm, 34 piraso ng 12 gauge shot gun, 160 piraso ng (5.56) live ammos ng M-16 armalite, at dalawang magazine ng M-16.
Sa rekord ng QCPD, lumilitaw na si Agpalo ay miyembro ng isang grupo na sangkot sa isang shooting incident noong 14 Pebrero, Lunes.
Natunton ng mga pulis ang kinaroroonan ng suspek noong Huwebes, ngunit imbes sumuko ay nagtangkang tumakas at nang-hostage ng pitong miyembro ng isang pamilya.
Nakipagbarilan din siya sa mga pulis na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Ang mga pampasabog ay inilipat sa District Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit (DECU), habang ang mga armas at mga bala ay dinala sa Firearms Identification Division (FAID) sa Camp Crame, Quezon City para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon. (ALMAR DANGUILAN)