PATAY ang tatlong miyembro ng Philippine Air force (PAF) habang sugatan ang isa pa matapos araruhin ang anim na concrete barrier at masunog ang kanilang sinasakyang kotse kahapon ng madaling araw sa lungsod ng Quezon.
Sa ulat kay Quezon City Police (QCPD) Director, P/BGen. Remus Medina ni District Traffic Enforcement Unit chief, P/Lt. Col. Cipriano Galanida, ang mga namatay na sina Airman 1st Class Angelo Sabado, Airman 1st Class Aaron Tabarle, at Airman 1st Class Kyle Justine Velasco habang sugatan si Airman 2nd Class Manuel Ognes, 27 anyos, pawang stay-in sa barracks ng Villamor Air Base sa Pasay City.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Reggie Arevalo, dakong 1:58 am nang maganap ang insidente sa EDSA south bound corner North Road, Barangay Lipunan Crame QC.
Sakay ang mga biktima ng kotseng Honda City, may plakang NDR 7213, habang minamaneho ni Ognes pabalik ng Villamor Airbase at binabagtas ang EDSA galing sa QC.
Pagdating sa P. Tuazon patungong Ortigas Avenue, nawalan ng kontrol ang kotse at inararo ang anim na concrete barrier sa EDSA.
Makaraan, nagliyab ang sasakyan kung saan kasamang nasunog ang tatlong biktima habang si Ognes na naipit sa kotse ay nagawa pa rin makalabas.
Ang tatlo ay namatay noon din sa loob ng nasusunog na kotse.
Inaalam pa kung ano ang dahilan ng pagkawala ng kontrol ng sasakyan.
Bagamat, pinigil si Ognes sa himpilan ng Traffic Sector 4 at nakatakdang kasuhan ng Reckless Imprudence Resulting in multiple homicide at damage to property. (ALMAR DANGUILAN)