HINDI katanggap-tanggap na ang isang task force na pinopondohan ng pera ng bayan ay sumusuporta at nagsusulong ng cyber attacks laban sa ilang news sites sa nakalipas na mga buwan.
“Cyber censorship has no place in a democracy. It is deplorable that a publicly funded task force supports and promotes cyber attacks on news sites,” pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) kasunod ng ulat ng Manila Bulletin noong 7 Pebrero 2022 na nakaranas ng cyber attack ang websites ng CNN Philippines, Rappler, at Philstar.com ng grupong Pinoy Vendetta.
Anang NUJP, ang naturang pangkat ay pinuri ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at inengganyong mag-take down ng mas maraming websites.
Tatlong araw na magkakasunod, inatake rin ang websites ng Altermidya at Bulatlat.
Sa naturang linggo, sandaling nag-offline ang websites ng Inquirer.net at One News.
Batay sa forensic investigation ng Sweden-based Qurium Media Foundation, natuklasan na ang distributed denial of service (DDOS) attacks sa mga alternative media websites ay may kaugnayan sa Philippine Army, gamit ang infrastructure ng Department of Science and Technology (DOST).
Sinabi ng NUJP na kinompirna ng Department of Information and Communication Technology (DICT) na ang IP address na ginamit para sa “unauthorized vulnerability scan” ay itinalaga sa Philippine Army.
“While the recent cases of DDoS against a number of corporate media outfits have not been investigated yet, the timing and frequency raise our suspicion that the cyber attacks are orchestrated, systematic, and politically motivated,” anang NUJP.
Binigyan diin ng NUJP, naging malinaw na ang mga nasa likod ng cyber attacks ay takot sa katotohanan kaya’t nais nilang mawala ang news websites.
Nanawagan ang NUJP sa DICT at sa National Bureau of Investigation Cybercrime Division na busisiin ang mga nasabing insidente at ipatigil ang cyber attacks, tukuyin at panagutin ang mga nasa likod nito.
“We want to continue doing our duty to inform the citizenry; knowing that by doing so we aid them in their decision-making.”
Bago pa man naganap ang cyber attacks sa news websites ay naging pamoso ang ilang opisyal ng NTF-ELCAC sa red-tagging sa ilang media organizations at personalities. (ROSE NOVENARIO)