USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
EWAN ko kung bakit walang ginagawang kapansin-pansin na pagpapahalaga ang pamahalaan kina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora sa kabila ng katotohanan na utang natin sa kanila ang ating kamalayang Filipino ngayon.
Hay! Naku, ang kamatayan yata ng tatlong pari sa pamamagitan ng garote ang gumising at nagpaalab sa diwang makabayan ng ating mga bayani tulad nina Marcelo H. Del Pilar, Jose Rizal, at Andres Bonifacio.
Aba! Ang kanilang kabayanihan yata ang ugat kaya nabuo ang kilusang propaganda sa Europa at ang Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK-AnB) sa Kamaynilaan at mga karatig lalawigan.
Ang karugtong na pagkilos naman nila Del Pilar, Rizal, at Bonifacio ang nagsilang sa Himagsikang 1896.
Nakalulungkot na walang malinaw na kilos ngayon ang pamahalaan upang ipakilala ang kadakilaan nina Gomburza sa kasalukuyang henerasyon – maliban sa nakaugaliang paggamit sa kanilang mga pangalan para pangalanan ang maliliit na lansangan sa malalayong munisipyo’t barangay na masasabi kong puro drawing lang.
Ilan sa mga kababayan natin ang nakaaalala na 150 taon na ang nakararaan mula nang bitayin sina Gomburza ng mga Kastila? Aber? Ilan kaya ang may alam na sina Gomburza ang mga tunay na ama ng ating kaisipang makabansa?
May palagay akong kakaunti lamang. Dangan kasi sina Gomburza ay kabilang na ngayon sa mga halos limot na nating mga bayani. Ang kanilang mga pangalan ay kahanay na ng mga matagal nang limot na sina Padre Pedro Pelaez at Gregorio Aglipay, mga pari ng simbahang Romano Katoliko; Koronel Francisco Montalan, Macario Sakay, Agueda Kahabagan atbp lider na bumago sa daloy ng ating kasaysayan dahil sa kanilang mga ipinakitang kabayanihan.
Naalala ko tuloy na habang ako ay nasa Faculty of Arts and Letters ng Pamantasang Santo Tomas o UST noong dekada 80, napasama ako sa Youth for the Advancement of Faith and Justice o YAFJ, isang maliit subali’t prinsipyadong Kristyanong grupo na ang isa sa mga inspirasyon ay ang buhay nina Gomburza.
Sa katunayan ay itinatag ang grupo noong 1981, sa araw mismo ng anibersaryo ng pagbitay kina Gomburza bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan. Kaya ngayong taon na ito’y gugunitain ang ika-33 anibersaryo ng pagkakatatag ng YAFJ.
MORO-MORO
Sina Gomburza ay ginarote ng mga Kastila sa Bagumbayan o Luneta (ngayon ay kilala bilang Rizal Park) noong 17 Pebrero 1872, matapos ang isang moro-morong paglilitis. Sila ay idiniin ng mga prayleng Kastila bilang mga mastermind daw ng nabigong pag-aaklas ng mga sundalong mestizo sa Fort San Felipe sa Cavite.
Pero ang totoo niyan, ang pagbitay sa kanila ay pagtatangka ng mga prayle sa pag-aakalang patatahimikin nito ang lumalakas na pagpoprotesta ng mga paring Filipino laban sa dinaranas nilang kawalan ng katarungan sa loob ng simbahang Romano Katoliko.
Mali ang mga Kastila sa kanilang akala. Sa halip na tumahimik ay lalong lumakas ang protesta sa loob ng simbahan at kumalat pa ito sa mga edukadong sektor ng lipunan sa Filipinas. Sa halip na panghinaan ng loob ay lalong tumibay ang paninindigan ng ating mga bayani para lumaban sa mga Kastila.
Lalong lumakas ang protestang nauwi sa pagtatayo ng kilusang propaganda at Katipunan. Nakapagbigay ng lakas ng loob ang pagbitay sa tatlong pari kaya nga nagawang ialay sa kanila ni Rizal ang kanyang subersibong nobelang “El Filibusterismo,” samantala ginamit ni Bonifacio bilang isa sa mga password ng Katipunan ang salitang “Gomburza.”
Ayun, malinaw pa sa sikat ng Haring Araw na pinukaw ng kamatayan nina Gomburza ang imahinasyong bayan. Ang nakatitiim-bagang epekto ng pagbitay kina Gomburza ay kahalintulad ng naramdaman ng mga nakaalam ng pagbaril kay Rizal noong 1896.
Napansin ba ninyong matapos pinatay si Rizal ay lalong lumakas ang Katipunan? Ang kamatayan nina Gomburza, at Rizal ay sinundan ng mga pangyayaring bumago sa ating bayan.
INSPIRASYON NG HIMAGSIKAN
Pero bakit nga ba napag-initan ng mga prayle sina Gomburza? Nag-umpisa ang lahat nang manindigan si Padre Pedro Pelaez, administrador ng Arkodayosis ng Maynila, para maging sekular ang simbahan sa Filipinas. Gusto ni Padre Pelaez na ipasa ng mga Kastila sa mga katutubong pari ang pagpapatakbo ng mga diocese, parokya at simbahan, isang bagay na mahigpit na tinutulan at kinamuhian ng mga prayle.
Sayang at nakamatayan ni Padre Pelaez ang kanyang adhikain noong 3 Hunyo 1863 matapos siyang madaganan ng Katedral ng Maynila kasunod ang isang malakas na lindol. Maituturing na unang pinakamalaking iskismong pang-relihiyon (religious schism) sa ating bayan ang ginawa ni Padre Pelaez.
Bilang estudyante ni Padre Pelaez ay ipinagpatuloy naman ni Padre Burgos ang kilusan para sa sekularisasyon hanggang sa kanyang pagreretiro. Gayon man hindi nakalimutan ng mga prayle si Pelaez at Burgos. Arogante raw ang dalawa kaya nang magkaroon sila ng pagkakataon matapos ang tinatawag na Cavite mutiny noong 1872 ay agad nilang idiniin si Burgos at sina Padre Gomez at Zamora. Hindi nag-atubili ang mga prayle kahit matanda na si Burgos ng mga panahong iyon.
Ipinagpatuloy ni Padre Gregorio Aglipay ang kilusang sekularisasyon matapos mawala sina Gomburza. Nauwi ang kanilang pagkilos sa ikalawang malaking iskismong pang-relihiyon sa Filipinas sa pagtatayo ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) noong 1902 habang lumalagablab pa ang digmaang Filipino-Amerikano. Ang IFI, na kilala rin bilang “Simbahan ng mga Dukha,” ay pinamunuan ni Isabelo de los Reyes at Aglipay bilang unang obispo nito.
Sina Padre Pelaez at Gomburza ang mga panganay samantalang sina Rizal, Bonifacio at Aglipay ang mga bunso sa ating kasaysayan. Ang kadakilaan ni Pelaez ay nagningning sa kamatayan nina Gomburza. Ang kabayanihan naman nina Gomburza ang naging tanglaw ng Katipunan sa pamumuno ni Bonifacio sa ginawa nitong panghihimagsik, samantalang naging inspirasyon naman ito para kina Rizal at Aglipay.
Kawing-kawing ang kanilang kadakilaan kaya’t kataka-taka kung bakit si Padre Pelaez, Gomburza, Aglipay, at Bonifacio ay hindi binibigyang halaga tulad ng pagpapahalaga ngayon kay Rizal.
(Unang lumabas sa Rappler.com noong Pebrero 17, 2014 — Ang retrato ng Gomburza ay mula sa kilalang-pilipino.blogspot.com)