NASA 605 lugar sa bansa ang nakasailalim sa granular lockdown dahil sa pagtaas ng mga naitatalang kaso ng CoVid-19.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, apektado ang may kabuuang 744 households na binubuo ng 1,233 indibidwal.
Nabatid, ang Cordillera Administrative Region (CAR) ang nakapagtala ng pinakamaraming lugar na nasa ilalim ng granular lockdown, umabot sa 384.
Sumunod ang Ilocos Region na may 130 lugar na naka-granular lockdown pa rin at Cagayan Valley na may 77 lugar.
Samantala, sa National Capital Region (NCR), anim na lugar na lang ang naka-granular lockdown.
Sinabi ni Año, ang magandang balita ay patuloy na bumababa ang mga naitatalang bagong kaso ng sakit.
Tiniyak rin ng DILG chief na agad silang aaksiyon sakaling magkaroon muli ng transmisyon o hawaan ng virus sa mga komunidad. (ALMAR DANGUILAN)