INIREKOMENDA kahapon ni Senate committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian na kasuhan ng graft si Energy Sec. Alfonso Cusi at 11 opisyal ng Department of Energy (DOE) dahil sa maanomalyang bentahan ng shares ng gobyerno sa Malampaya gas project.
Pinangunahan ni Gatchalian ang transmittal ng Senate resolution para irekomenda na sampahan ng graft si Cusi at iba pang opisyal nito sa anti-graft body.
Ang laman ng committee report ang rekomendasyon ng senado na sampahan ng patong-patong na kasong paglabag sa graft and corrupt practices act, gross neglect of duty, at grave misconduct laban kay Cusi at 11 pang opisyal ng DOE .
Nauna rito, magugunitang si Gatchalian ang nagsulong ng imbestigasyon matapos ibenta ng DOE ang 45 percent sapi sa Malampaya gas project sa isang indirect subsidiary ng Udenna corporation.
Sa interview ng media iginiit ni Gatchalian, malinaw na pinaboran ng DOE ang Udenna Corp., na may kapital na P6.9 bilyon.
Bunga ito ng imbestigasyon ng Senate Committee on Energy na lumitaw na minadali ng DOE ang pag-aproba sa pagbebenta ng 45 percent sapi ng Chevron sa kompanyang UC Malampaya na subsidiary ng Udenna Corp., na aniya’y kapos sa financial capability.
Ayon sa ulat, aabot sa P40 bilyon ang halaga ng Chevron shares na ibinenta ng DOE, sa Udenna Corporation na pagmamay-ari ng negosyanteng si Dennis Uy, ang shares ng gobyerno sa Malampaya gas project. (NIÑO ACLAN/ALMAR DANGUILAN)