“AKO ang substitute ni Ferdinand Marcos, Jr., kapag na-disqualify siya hindi si Imee.”
Tahasang sinabi ito ni Maria Aurora Busoy Marcos, isa sa mga naghain ng certificate of candidacy (COC) para presidente, ngunit idineklarang nuisance candidate ng Commission on Elections (Comelec), at nagpakilalang lehitimong anak umano ng yumaong diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Aurora, matapos siyang ideklara ng Comelec na nuisance candidate, agad siyang humingi ng saklolo sa Korte Suprema para makakuha ng temporary restraining order (TRO).
Ngunit nangangamba ang kampo ni Aurora, sa sandaling makapagpresenta siya ng TRO sa komisyon ay hindi na maisasama ang kanyang pangalan sa mga naimprentang balota.
Aminado ang tinaguriang nuisance candidate, masama ang kanyang loob sa Comelec dahil pitong araw matapos ang kanyang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ay agad siyang idineklara sa nasabing kategorya, gayong walang matibay na basehan.
Ipinagtataka ni Aurora kung bakit agad pinansin ng komisyon ang inihaing petisyon ng kampo ni dating Senador Marcos, Jr., aprobadong kandidatong pangulo para sa 2022 elections.
Labis na ipinagtaka ni Aurora, ang basehan ng desisyon ng Comelec na wala siyang sapat na makinarya para patakbuhin ang kanyang kampanya lalo ngayong adopted presidential candidate siya ng Partido Maharlika, isang kinikilalang partido politikal sa bansa.
Aniya, nagtataka siya kung bakit kailangan kuwestiyonin ng kampo ni Marcos ang kanyang kandidatura at agarang katigan ang rason nito para ideklara siyang hindi karapat-dapat na kandidato sa pagkapangulo.
Aminado ang nagpapakilalang anak ng yumaong diktador na kilala siya ng dating senador at ilan pang mga politikong kasalukuyang nakaupo sa pamahalaan.
Inihayag ni Aurora, hindi siya isang politiko at walang posisyong hinawakan sa pamahalaan ngunit kaya niyang resolbahin at solusyonan ang trilyong pisong utang ng bansa. (NIÑO ACLAN)