NAGKAPAGTAGO sa batas sa loob ng 16 taon ang isang mister na tinaguriang top 4 most wanted person (MWP) ang naaresto ng Valenzuela City Police sa kanyang pinagtataguan sa Pangasinan.
Kinilala ni Valenzuela City police chief Col. Ramchrisen Haveria, Jr., arestado ang suspek na kinilalang si Michael Reyes, 35 anyos, residente sa Purok 4, Brgy. Nibaliw, Mangaldan, Pangasinan.
Ayon kay Col. Haveria, nakatanggap ang mga operatiba ng Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section (WSS) ng impormasyon mula sa isang impormante tungkol sa pinagtataguan ng akusado sa Pangasinan.
Bumuo ng team ang WSS sa pamumuno ni P/Lt. Robin Santos at Valenzuela Police Sub-Station 6 sa pangunguna ni P/Lt. Armando Delima, kasama si P/SMSgt. Roberto Santillan sa ilalim ng matatag na pamumuno ni Col. Haveria.
Kaagad ikinasa ng mga tauhan ng WSS at SS-6
ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Reyes dakong 5:20 ng hapon sa kahabaan ng Rizal St , Brgy. Poblacion, Mangaldan, Pangasinan.
Ani P/Lt. Santos, si Reyes ay inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest na inisyu noong 24 Hulyo 2006 ni Hon. Nancy Rivas-Palmores, presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 172, Valenzuela City para sa kasong Rape at walang inirekomendang piyansa. (ROMMEL SALES)