INIREKOMENDA ng House committee on good government and public accountability sa pamahalaan na sampahan ng kasong syndidated estafa ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp., na nakakuha ng malaking kontrata sa administrasyong Duterte sa pamamagitan ng Procurement Service-Department of Budget and management (PS-DBM).
Sa rekomendasyon ng komite, kasama sila Mr. Huang Tzu Yen, Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Justine Garado, at Krizle Grace Mago sa mga aasuntohin.
Ayon kay Rep. Michael Aglipay, chairman ng komite, mananagot sa kasong syndicated estafa ang mga nabanggit na opisyal ng Pharmally dahil kahit walang kakayahang mag-supply sa gobyerno ng medical supplies ay kumuha sila ng kontrata.
“This acts of Pharmally officials are grossly aggravated by the fact that this were committed during height of pandemic by taking advantage the more lenient procurement regulations under Bayanihan Act as One,” ayon kay Aglipay.
Ang Pharmally ay may P650,000 kapital lamang ngunit nasungkit ang mahigit P8 bilyong kontrata sa PS-DBM na naatasang bumili ng mga medical supply tulad ng face mask, face shield, at iba pa noong nakaraang taon.
Sa rekomendasyon ng komite ni Aglipay, wala ang mga pangalan ng dating hepe ng PS-DBM na si Atty. Lloyd Christopher Lao at ang negosyanteng si Michael Yan.
Tanging sina Jorge Mendoza II at Mervin Ian Tanguintic ng PS-DBM Inspection Division ang inerekomendang sampahan ng kasong falsification of public document dahil sa pag-amin na pinirmahan nila ang mga dokumento kahit nasa China pa ang inorder na medical supplies.
“Sagot ko diyan kay Michael Yan at Christopher Lao, insufficiency of evidence. The evidence is not enough for cases to whom,” ani Aglipay.
Inerekomenda din ng komite ni Aglipay ang pagbuwag sa PS-DBM dahil mayroon na aniyang procurement service at bids and awards committee ang bawat ahensiya ng gobyerno. (GERRY BALDO)