MAAARI nang makasakay sa mga pampublikong sasakyan ang mga commuters, bakunado man o
‘di-bakunado sa Metro Manila na isasailalim sa Alert Level 2 simula sa Martes, 1 Pebrero.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, aalisin ang polisiyang “no vaccination, no ride” ng Department of Transportation (DOTr) sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 2 status.
“Once we deescalated to Alert Level 2, the policy shall be automatically lifted,” ani Libiran.
Ginawa ni Libiran ang pahayag matapos ianunsiyo ng pamahalaan na ang NCR at pito pang mga lalawigan ay isasailalim na sa Alert Level 2 mula 1 Pebrero hanggang 15 Pebrero.
Magugunitang nagpatupad ang gobyerno ng “no vaxx, no ride” policy sa Metro Manila nitong nakaraang buwan nang muling lumobo ang bilang ng hawaan ng Omicron variant ng CoVid-19.
Ang nasabing polisiya ay umani ng kritisismo mula sa ilang mga grupo dahil ito umano ay diskriminasyon laban sa mga ‘di-bakunado para pigilan ang kanilang galaw sa Metro Manila.
Inihayag kahapon ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, inilagay ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 2 simula 1 Pebrero ang Metro Manila, Batanes, Bulacan, Cavite, Rizal sa Luzon; Biliran at Southern Leyte sa Visayas; at Basilan sa Mindanao. (Ulat nina ALMAR DANGUILAN at ROSE NOVENARIO)