WALONG police officers at tatlo pang suspek, kabilang ang dalawang Chinese nationals ang dinakip sa tangkang robbery sa Angeles City, Pampanga kahapon ng umaga, Miyerkoles.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 3, nakatanggap sila ng ulat tungkol sa tangkang pagnanakaw sa isang bahay sa Diamond Subdivision, Brgy. Balibago ng mga armadong kalalakihang nakasibilyan pero nagpapakilalang mga pulis.
“May nanghingi kasi ng assistance sa amin, na accordingly may mga CIDG na pumasok sa isang bahay at nagde-demand ng pera. So nag-inquire kami sa mga tropa natin. Wala namang nag-operate na CIDG Region 3 during that time,” ani P/Lt Col. Jovit Culayao ng CIDG-3.
Sinabi ng opisyal, nang dumating ang mga awtoridad sa lugar, tatlong lalaking armado ng baril ang kanilang naispatan na palabas ng bahay.
Ayon kay Culayo, inabutan nila ang mga taga-ibang unit pero CIDG din kaya kanilang inaresto.
Ang mga dinakip na alagad ng batas ay kinilalang sina P/Maj. Ferdinand Mendoza, P/SSgt. Mark Anthony Reyes Iral, P/SSgt. Sanny Ric Alicante, Cpl. Richmond Francia, Cpl. John Gervic Fajardo, Cpl. Kenneth Rheiner Ferrer Delfin, Patrolman Leandro Veloso Mangale, at Patrolman Hermogines Rosario, Jr.
Dalawang Chinese nationals at isang Filipino ang inaresto rin habang nasagip sa isinagawang operasyon ang pitong Chinese at isang Filipino helper.
Ikinakatuwiran ng lider ng mga suspek na sila ay nagsagawa ng firearm buy bust operation, gayong nakita ng mga nagrespondeng awtoridad ang ilang mga gamit mula sa bahay na nasa loob na ng sasakyan ng mga suspek.
Sinabi ng CIDG, nakita rin ng mga awtoridad ang tinatayang P300,000 cash at ilang US dollar bills sa sasakyan ng mga nasakoteng pulis.
Ayon kay Culayao, pinigil ng mga suspek ang mga biktima sa loob ng bahay, na gulong-gulo nang pumasok ang mga operatiba.
Gayondin, nakita ang maraming computers sa sala ng bahay na makikita sa mga offshore gaming service hubs.
“Hindi tayo nagto-tolerate ng mga scalawag sa puwersa natin… nakasisira ng magandang imahen ng magagandang accomplishments ng unit,” dagdag ng opisyal.
Ang mga suspek, ngayon ay pansamantalang nasa ilalim ng kustodiya ng CIDG Angeles, ay nahaharap sa mga multiple criminal cases at administratibo. (MICKA BAUTISTA).