SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ITUTULOY ni Cong. Mike Defensor ang matagal ng plano ng namayapang Master Showman Kuya German Moreno na maging City of Stars ang Quezon City kapag nahalal siyang mayor ng nasabing lungsod sa Mayo.
Giit ni Defensor, alam niyang malaking pakinabang ito sa mga mamamayan ng QC kaya hinihiling din niya ang tulong ng entertaiment press kung sakali dahil kapos siya sa kaalaman dito.
Bukod sa City of Stars, hangad din niyang mag-develop pa ng commercial centers sa Cubao, Eastwood, Timog, Quezon Avenue, at Parks & Wildlife.
Samantala, hindi pala pabor ang anak niyang babae na tumakbo siyang mayor ng QC. Mas gusto raw nitong manatili siyang Congressman at asikasuhin na lang ang kanilang mga negosyo.
Pero aniya, nakita niya ang mga dapat ayusin sa Quezon City lalo na ngayong panahon ng pandemya.
At sa kanyang pagtakbo bilang QC mayor sinabi niyang gagawin niya ang kanyang makakaya para pababain ang Covid cases. Aayusin din niya ang tamang pamamahagi ng ayuda na marami ang hindi nakatatanggap.
Sinabi pa ni Defensor na may mga iminungkahi siyang ilang proyekto kay Mayor Joy Belmonte pero hindi ito pinansin.
Sakaling manalo siya sa pagka-mayor ng QC tututukan niya ang hanapbuhay, edukasyon, at ayuda na dapat ay para sa lahat at hindi sa iilan lamang.
Sa kabilang banda, naikuwento ni Defensor na marami siyang natanggap na mura at pamba-bash nang mapagdesisyonan sa Kamara na isa siya sa bumoto, na ‘di na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Esplika ng kongresista, ginampanan lang niya ang kanyang trabaho. At kung sakaling hingan siya ng tulong ng estasyon, handa naman siyang magbigay ng tumulong.