SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAKABIBILIB talaga si Gretchen Barretto dahil hindi lang taga-showbiz ang binahaginan niya ng ayuda. Nabalitaan naming nakarating na rin sa mga medical frontliner sa San Lazaro Hospital ang kanyang sako-sakong bigas (na special rice talaga) noong Biyernes.
Kaya naman ganoon na lamang ang pasasalamat ng resident doctor nitong si Dr. Cherry Abrenica na contact ni Greta na kalaunan ay naging kaibigan na rin, dahil sa tagal nang nagbibigay tulong ng ng actress-socialite-philantrophist sa nasabing pagamutan.
“Mga 2014 o 2015 nagsimulang magbigay ng tulong ni Gretchen dito sa amin. Dinadala pa n’ya dati ang anak n’ya (Dominique) at mga pamangkin,” kuwento ng doktora.
May kabuuang 1,328 sacks of rice ang ipinadala ni La Greta sa buong healthcare workers ng ospital kaya naman nagpasadya pa ng imahe ni San Lazaro si Doc Abrenica na hindi nabibili sa kahit saang religious stores at ibinigay sa aktres. Iyon ay bilang pasasalamat nila sa palaging pagtulong sa kanila.
Kasama sa namahagi ng sako-sakong bigas ang isa sa closest friends ni Greta, si Grace Medina.
Bukod sa San Lazaro hospital namahagi rin ng 3,406 sakong bigas si Gretchen sa mga empleado ng St. Luke’s Global sa Taguig City kasama ang kanyang mga kaibigang sina Rusky Fernandez ng Resorts World Manila at ang dating actress at negosyanteng si Ana Abiera.
Ani Gretchen malaki ang pasasalamat niya sa mga empleado ng St Luke’s Global dahil inalagaan ng mga ito ang inang si Mommy Inday nang na-confine noon dahil sa Covid-19.
Ang next stop ng Team G para mamahagi ng 1,800 bigas ay sa Philippine General Hospital o PGH ngayong araw, Martes.
Ang susunod na tatlong ospital na makatatanggap din ng special gift na bigas mula sa kabutihan ni Gretchen ay ang St. Luke’s Hospital at National Children’s Hospital sa Quezon City, at ang National Center for Mental Health o NCMH sa Mandaluyong City.
At hindi pa riyan natatapos ang pamamahagi ni Greta ng kanyang Love essential dahil marami pang ospital ang naka-lineup para bahaginan niya ng tulong.