SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
DIRETSAHANG sinabi ni Rhen Escano na hindi siya natatakot ma-typecast sa paggawa ng mga lesbian movie/series. Bale ikalawang pelikulang may temang pakikipag-relasyon sa kapwa babae ang latest series ni Rhen, ang Lulu na kapareha ang baguhan at LGBTQIA+ advocate na si Rita Martinez na idinirehe at isinulat ni Sigrid Andrea P. Bernardo at mapapanood na sa January 23.
Ang unang pelikulang ginawa niya na may ganito ring tema ay ang Adan kasama si Cindy Miranda na handog din ng Viva Films at napapanood sa Vivamax.
Ginagampanan ni Rhen sa Lulu si Sophie na lumayo muna para makalimot sa nangyaring pakikipaghiwalay. Sa pagbabakasyon nakilala niya si Abi na for the first time ay nakaramdam siya mayroong tama sa kanyang ginagawa. Si Abi ay isang butch lesbian, magaling magluto at tumutugtog bilang gitarista sa isang indie band. Planado ang buhay. At nang magkakilala sila ni Sophie, roon nabuo ang isang magandang relasyon.
Ang Lulu ay may walong episodes na lalabas tuwing Biyernes sa Vivamax.
Sa virtual media conference kahapon ng hapon nasabi ni Rhen na, “Hindi ako natatakot. Kung ako nga ang papipilian parang gusto ko pa gumawa uli. Kahit paulit-ulit, okey lang sa akin as long as na mayroon akong nire-represent na mga tao, may gusto akong iparating sa mga tao, walang problema sa akin iyon.
And kung ‘yun at ‘yun ang ibinibigay sa akin (projects) siguro nakikita nilang pwede, ‘di ba? So, okey lang sa akin at open ako sa ganoon,” katwiran ni Rhen.
Sa unang pagkakataon, mapapanood natin ang pagkakalog ni Rhen, malayo sa mga nakaraang roles niya.
Sa kabilang banda, parehong excited sina Rhen at Rita na makita ng mga tao ang pagmamahalan nina Sophie at Abi. Naniniwala si Rhen na walang masama sa ganitong klaseng kuwento dahil walang pinipiling kasarian ang pag-ibig. Masaya si Rita na ang kanyang papel na si Abi ay maraming pagkakapareho sa kanya. Bukod sa pagiging tomboy, mahusay na chef rin si Rita at tumutugtog din sa isang banda.